MANILA — Patuloy na bumaba ang antas ng mga nagpopositibo sa COVID-19 o ang positivity rate sa buong bansa nang maitala na lamang ito sa 2.6%, ayon sa pagtataya ng independent OCTA Research Group.
Base sa datos ng Department of Health (DOH), sinabi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, na ang 2.6% positivity rate ay naitala nitong Enero 17.
Nakapagtala ang DOH ng 196 bagong COVID-19 cases nitong Enero 17 kaya’t umabot na sa 4,070,675 ang total COVID-19 cases sa bansa. Sa naturang bilang, 11,342 na lamang ang aktibong kaso.
Mayroon namang apat na pasyente ang namatay dahil sa virus sa nasabing petsa, kaya’t ang total COVID-19 death toll ng bansa ay nasa 65,618 na.
Samantala, base naman sa projection ni David, maaaring makapagtala ang Pilipinas ng 150 hanggang 250 bagong kaso nitong Enero 18.