
MANILA — Kasama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Davos, Switzerland ang pito sa pinakamalalaking negosyante sa bansa na ayon sa Malacañang ay sumusuporta sa unang partisipasyon ng Pangulo sa 2023 Annual Meeting ng World Economic Forum (WEF).
Ang pito na kasama sa opisyal na delegasyon ay sina Sabin Aboitiz (Aboitiz); Kevin Andrew Tan (Alliance Global); Jaime Zobel de Ayala (Ayala Group); Lance Gokongwei (JG Summit Holdings); Ramon Ang (San Miguel Corp.); Teresita Sy-Coson (SM Investments); at Enrique Razon (International Container Terminal).
Si Pangulong Marcos at ang kanyang opisyal na delegasyon, na binubuo ng mga opisyal ng gobyerno at mga pinuno ng iba’t ibang negosyo, ay dumating sa Switzerland noong Linggo ng hapon (Linggo ng gabi oras ng Pilipinas).
Ang World Economic Forum ay nagho-host ng isang Country Strategy Dialogue para sa Pilipinas kung saan ang bansa ay binigyan ng pagkakataon na isulong ang Pilipinas bilang pinuno at “driver” ng paglago at isang gateway sa Asia-Pacific region, sabi ni Pangulong Marcos.
Sa isang panayam sa media na patungo sa Switzerland, sinabi ng Pangulo na inaasahan niyang mapalawak at maipaliwanag ang mga makabuluhang hakbang na nakamit ng kanyang administrasyon sa question-and-answer event sa WEF.
Bukod sa question-and-answer sa audience, inaabangan din ng Pangulo ang mga “pull-aside” o “pull-away” meetings sa sidelines ng annual meeting ng WEF.
Si Marcos ay inimbitahan ni Prof. Klaus Schwab, ang tagapagtatag at Chair Emeritus ng WEF, sa sideline ng parehong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Phnom Pen, at Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa Bangkok noong Nobyembre noong nakaraang taon.





