
MANILA — Idineklara ng Supreme Court (SC) na labag sa Konstitusyon ang Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na ikakasa ng Pilipinas, China, at Vietnam sa karagatang sakop ng bansa.
Sa botong 12-2-1, idineklara ng Supreme Court En Banc na “void and unconstitutional” ang JMSU dahil sa pagpayag sa isang korporasyon na pag-aari ng mga dayuhan na makilahok sa eksplorasyon sa likas na yaman ng bansa.
Malinaw umano na binuo ang JMSU para matukoy kung may laman ngang petrolyo o natural na gas sa West Philippine Sea na sumasakop sa 142,886 square kilometers.
Ang JMSU ay isang kasunduan sa pagitan ng Philippine National Oil Company, China National Offshore Oil Corp., at ng Vietnam Oil Gas Corp. ukol sa oil explorations.
Tinukoy nito ang isang bahagi ng JMSU na nagsasaad na ang “joint search” ay para sa “pre-exploration activity”.
“That the Parties designated the joint research as a ‘pre-exploration activity’ is of no moment… Such designation does not detract from the fact that the intent and aim of the agreement is to discover petroleum, which is tantamount to exploration,” saad ng SC.





