
MANILA — Bumaba pa lalo ang COVID-19 positivity rate sa buong bansa makaraang maitala na lamang ito sa 5.7% nitong nakaraang Sabado.
Sa datos na inilabas ni OCTA Research Group fellow Dr. Guido David, unang nakapagtala ng 5.9% nitong Enero 6 bago bumulusok muli sa 5.7% nitong Enero 7.
Ang positivity rate ay ang bahagdan ng mga nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinailalim sa COVID test sa isang lugar.
Nitong Sabado, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 752 bagong kaso na naidagdag sa mga aktibong kaso na nasa 12,518 sa ngayon.
Nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa pinakamaraming kaso sa loob ng nakalipas na 14 na araw sa naitalang 2,359 kasunod ang Calabarzon na may 1,187; Central Luzon na may 562; Western Visayas na may 341; at Cagayan Valley na may 325 kaso.





