DOLE: Pagtaas ng sahod, hindi pa rin tiyak

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Nananatiling hindi tiyak ang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng inflation, inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Miyerkules.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na nagsasagawa pa rin ng hiwalay na pag-aaral ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) kung magbibigay o hindi ng dagdag sahod. Kabilang sa mga ito ang RTWPB sa National Capital Region (NCR) na dininig sa nakabinbing wage petition noong nakaraang linggo.

“The process is ongoing,” wika ni Laguesma habang idiniin na ang RTWPBs ay kailangang maging maingat sa paggawa ng desisyon. “This cannot be done in haste because it would affect, most of all, the greater number of small businesses in our country.”

Nang tanungin kung maaaring asahan ang pagtaas ng sahod sa darating na taon, tumanggi ang labor chief na pangunahan ang desisyon ng RTWPBs.

Ipinaliwanag niya na ang apela laban sa anumang desisyon na gagawin ng RTWPBs ay mapupunta sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), na kanyang pinamumunuan.

“So at this point, we do not want to make a premature statement on that,” wika ni Laguesma.

Sa ngayon, tanging ang NCR wage board lamang ang nakatanggap ng pormal na petisyon para sa pagsasaayos ng sahod, ayon kay NWPC executive director Criselda Sy.

Sinabi ni Sy na ang mga manggagawa mula sa apat na rehiyon ay nakatanggap lamang nitong Disyembre ng ikalawang tranche ng pagtaas ng suweldo na ipinagkaloob ng kani-kanilang RTWPBs ngayong taon.

Sa pagsasagawa ng pagrepaso sa umiiral na mga wage rate, sinabi niya na kailangang isaalang-alang ng RTWPBs ang maraming salik, kabilang ang tuntuning nagbabawal sa pag-iisyu ng pagsasaayos ng sahod sa loob ng isang taon maliban kung mayroong supervening na kondisyon.

Wala sa mga RTWPB ang nagdeklara ng supervening condition na mangangailangan ng agarang pagtaas ng sahod, ani Sy.

Nabanggit niya na ang labor market ay napakalakas, kaya ang gobyerno ay mas nakatutok sa pagpapahusay ng competitiveness ng mga manggagawa.

Bukod dito, maaaring makipag-ayos ang mga manggagawa para sa pagsasaayos ng suweldo sa antas ng kompanya kahit na walang wage order ang RTWPB, aniya.

Ngayong taon, ang 16 RTWPBs ay naglabas ng mga bagong wage order na nagbibigay ng minimum wage earners na taasan ang sahod mula P30 hanggang P110.

Nagbigay din ang RTWPBs ng P500 hanggang P2,500 salary adjustments para sa mga domestic helper na nagtatrabaho sa iba’t ibang rehiyon.

Bagama’t inamin ni Sy na ang pagtaas ng inflation ay nakaapekto sa sahod ng mga manggagawa, sinabi ni Sy na kailangan nilang magsagawa ng pag-aaral upang matukoy kung ang salary hike ay ang tamang aksyon upang matugunan ang pagguho ng sahod.

Sinabi ng opisyal ng NWPC na ang target ng minimum na sahod ay ang mga mahihinang sektor lamang, ngunit maaaring malaki ang epekto ng pagtaas ng suweldo sa macro level.

Aniya, dapat ding isaalang-alang ng RTWPBs ang epekto ng pagtaas ng sahod sa trabaho gayundin sa pamumuhunan.

Bagama’t hindi pa nagbibigay ang RTWPBs ng ikalawang round ng pagtaas ng suweldo, sinabi ni Sy na ang gobyerno ay nagbibigay ng iba pang tulong upang matulungan ang mga manggagawa na makayanan ang tumataas na inflation.

LATEST

LATEST

TRENDING