
MANILA – Ipinahayag ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) forecaster Obet Badrina na walang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility. Ayon sa weather bureau nitong Lunes, maraming lugar sa bansa ang makakaranas ng mga pag-ulan.
“However, the trough or extension of an LPA somewhere in Indonesia will cause rains over some parts of the country, particularly in the Visayas and Mindanao,” aniya.
Sa pagtataya ng PAGASA, kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang iiral sa lalawigan ng Romblon, Bicol Region, Visayas at Mindanao dahil sa shear line at trough ng LPA.
Mararanasan din ang mga pag-ulan sa Cagayan Valley at mga lalawigan ng Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Oriental Mindoro, Marinduque, Palawan, Aurora, at Quezon dahil sa habagat.
Ang mga lugar na ito ay maaaring makaranas ng flash flood o landslide dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan, sabi ng PAGASA.
Ang northeast monsoon ay magdudulot ng mahinang pag-ulan sa natitirang bahagi ng Luzon.
Samantala, katamtaman hanggang sa malakas na hangin at katamtaman hanggang sa maalon na karagatan ang iiral sa Luzon at Visayas.
Ang maalon hanggang sa napakaalon na dagat ay malamang na nasa hilaga, silangan at kanlurang tabing-dagat ng Hilagang Luzon, silangang tabing-dagat ng Gitnang Luzon, mga tabing-dagat ng Timog Luzon, kanluran at silangang tabing-dagat ng Visayas, at silangang tabing-dagat ng Mindanao.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga bangkang pangisda at iba pang maliliit na sasakyang pandagat na huwag makipagsapalaran sa dagat, at ang mga malalaking sasakyang pandagat ay inaalerto laban sa malalaking alon.
Sa Mindanao, ang hangin ay magiging mahina hanggang sa katamtaman na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan.





