
MANILA — Ilang oras matapos sertipikahang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inaprubahan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill (HB) 6608 na naglalayong magtatag ng Sovereign Wealth Fund sa bansa.
Sa botong 279 pabor, anim na tumutol at walang abstention ay ganap na napagtibay ang HB 6608 pasado alas-7 kagabi.
Si House Speaker Martin Romualdez ang nag-preside sa plenaryo ng Kamara sa botohan sa HB 6608 o ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay Romualdez, 90% o 282 ng kabuuang 312 mambabatas ng Kamara ang nagsilbing co-author at sumuporta sa panukalang batas.
Kabilang naman sa mga tumutol sa MIF Bill ang Makabayan bloc solons na sina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Raoul Manuel gayundin sina 3rd District Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr. at Basilan Rep. Mujiv Hataman.
Nakasaad sa panukala na kukuha ng pondo sa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Gaming and Amusement Corp. (PAGCOR) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang MIF contributors.
Hindi na kukunan ng pondo ang Social Security System at Government Service Insurance Systems dahil sa mga pension funds ito ng private at government workers.
Ang HB 6608 ay naglalayong ipunin ang pondo ng mga Government Financial Institution (GFIs) upang gamiting puhunan at makakuha ng mga malaking kita na siya namang ilalaan sa mga pambansang programa at proyekto ng gobyerno tulad ng agrikultura, transportasyon at kuryente.
Papatawan naman ng parusang pagkakalulong at multang P80,000 hanggang P5 milyon ang iba’t ibang paglabag at katiwalian tulad ng internal auditor collusion, pagsisilbi bilang intermediary sa graft and corrupt practices at pagiging sangkot sa anumang uri ng korapsyon. Ang iba pang paglabag ay papatawan ng 6-20 taong kulong at multang P1M-P3M.
Bukod sa MIF, sinertipikahan ding urgent ni PBBM ang HB 6687 na nag-oobliga sa mga estudyante sa tertiary education para sumailalim sa National Citizens Service Training Program (NCSTP) habang optional naman ang Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Idinagdag pa dito ang HB 6517 na naglalayong palakasin ang propesyunalismo sa Armed Forces of the Philippines (AFP).