
MANILA — Itutuloy ng Social Security System (SSS) ang implementasyon ng isang porsiyentong dagdag sa kontribusyon ng mga miyembro nito, na sasaluhin ng kanilang mga employers.
Ito’y sa gitna na rin ng agam-agam ng ilang employers group ngayong bumabangon pa lang sila sa pandemya ng COVID-19.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Michael G. Regino na simula sa Enero 1, 2023, ang bagong SSS contribution rate ay magiging 14% na, o 1% pagtaas mula sa 13%.
Ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Social Security Act of 2018 at magiging advantageous o kapaki-pakinabang sa mga SSS members na magkakaroon ng mas mataas na benepisyo.
Para sa mga employed members, ang mga employers ang babalikat ng 1% increase sa contribution rate.
Samantala, ang mga individual paying members, gaya ng mga self-employed, voluntary, non-working spouse at OFW members naman ang babalikat ng buong contribution rate dahil wala silang employers.
Kasabay nito, ia-adjust aniya ng SSS ang minimum at maximum monthly salary credits (MSCs), na magsisilbing basehan ng monthly contribution ng isang miyembro.
Ang minimum MSC ay magiging P4,000 mula sa P3,000 habang ang maximum MSC naman ay tataas sa P30,000 mula sa P25,000.
Una nang nagpahayag ng pagtutol ang mga grupo ng negosyante at manggagawa sa pagpapatupad ng dagdag-kontribusyon ng SSS at PhilHealth.
Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), maaaring maganda ang intensiyon ng naturang dagdag-kontribusyon, ngunit “wrong timing” o hindi pa aniya ito napapanahon.
Aniya, ang mga manggagawa ay nangangailangan sa ngayon ng tulong at kung babawasan pa ang kanilang kikitain ay mas lalo lamang aniya silang mahihirapan dahil na rin sa nararanasang inflation.