Marcos, nais mapabilis ang WPS oil exploration

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Nagpahayag nitong Huwebes ng kahandaan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makipagsosyo sa China para sa posibleng joint oil exploration sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang panayam ng media sa Quezon City, binanggit ni Marcos ang ideya ng paggalugad ng iba pang mga paraan upang matiyak ang agarang pag-unlad ng mga mapagkukunan ng langis at gas sa pinagtatalunang karagatan.

Ginawa ni Marcos ang pahayag, kung sakaling hindi matuloy ang posibleng government-to-government partnership.

We’ll have to find a way kasi kailangan na natin eh. We already need, kung mahanap dyan kailangan na talaga ng Pilipinas,” aniya sa sideline ng Kadiwa ng Pasko Caravan.

“‘Yung China maliit na bagay sa kanila ‘yun eh. Sa atin malaking bagay ‘yan. So, kailangan natin ipaglaban at mapakinabangan kung meron ngang oil talaga,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Marcos ang kahalagahan ng pagtugon sa “roadblock” sa joint exploration talks.

Ito, dahil kinikilala niya ang mga problema sa konstitusyon na nagdulot ng pagkaantala sa posibleng joint exploration sa pagitan ng Pilipinas at China.

“Kasi kini-claim ng China kanila ‘yun, eh atin naman talaga iyan. So, sinasabi ng Pilipinas, basta’t ‘yung batas kailangan masundan ‘yung sa Pinas. Ang sinasabi naman ng Chinese, hindi, amin iyan eh, kaya’t kailangan masundan is Chinese. Kaya ‘yun talaga ang roadblock doon,” wika ni Marcos.

Noong Nobyembre 2018, nilagdaan ng Pilipinas ang isang memorandum of understanding (MOU) sa China tungkol sa joint oil at gas development sa WPS.

Gayunpaman, winakasan ng Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang mga pag-uusap bago maupo si Marcos sa pagkapangulo noong Hunyo 30 dahil sa mga hadlang sa konstitusyon at mga isyu sa soberanya ng bansa.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs noong Setyembre ngayong taon na ang dalawang bansa ay nakagawa na sa ngayon ng “mga inisyal at pangkalahatang talakayan” sa posiblengjoint exploration sa WPS ngunit hindi pa umuusad sa “working-level talks”.

Sa kanilang inaugural bilateral meeting sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 17, nagkasundo sina Marcos at Chinese President Xi Jinping na ang agarang pagtatapos ng negosasyon para sa pinal at may-bisang Code of Conduct (COC) sa South China Sea (SCS) ay makakatulong sa pagtugon sa mga alitan sa dagat sa pagitan ng littoral states.

Noong Hulyo 12, 2016, nanalo ang Pilipinas sa petisyon nito laban sa China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands matapos mapawalang-bisa ng korte ang diumano’y makasaysayang karapatan ng Beijing sa halos buong SCS, kabilang ang WPS.

Paulit-ulit na binalewala ng China ang 2016 PCA ruling sa kabila ng makasaysayang panalo ng Pilipinas.

LATEST

LATEST

TRENDING