
MANILA – Idiniin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang kahalagahan ng preemptive evacuation upang mabawasan ang panganib ng pagkawala ng buhay sa panahon ng kalamidad.
Sa post-typhoon situation briefing na ginanap sa Antique, inatasan ni Marcos ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin na ang lahat ng kanilang nasasakupan, lalo na ang mga nakatira malapit sa mga danger zone, ay sumusunod sa mga plano ng preemptive evacuation sa panahon ng emergency.
Ito, matapos iulat ni Department of the Interior and Local Government regional office in Western Visayas (DILG-6) assistant director Maria Calpiza Sardua na umakyat na sa 36 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa Severe Tropical Storm Paeng.
Bagama’t inamin niya na may mga taong nag-aatubili na lumikas sa panahon ng sakuna, sinabi ni Marcos na dapat gawin ng gobyerno ang lahat para kumbinsihin silang makipagtulungan at alisin sila sa danger zone.
“Mahirap talaga ipag-evacuate ang tao. That’s really a problem. But you have to do it kahit na magalit nang kaunti sa’yo. You have to do it,” wika ni Marcos sa briefing kasama ang mga piling regional line agency directors sa Old Capitol Building sa bayan ng San Jose de Buenavista.
“Preemptive evacuation is always a good idea. Basta maitabi mo ‘yung tao, [you] can take them out of the area of danger, then you’re way ahead kahit may property damage which we cannot do anything about anyway,” dagdag niya.
Sa briefing, sinabi ni Sardua kay Marcos na 13 katao sa Antique, tig-walong tao sa Iloilo at Capiz, at pito sa Aklan ang namatay nang hampasin ni Paeng ang bansa.
Sinabi ni Sardua, na binanggit ang ulat ng pulisya, na ang mga sanhi ng pagkamatay ay “nalunod, natangay ng malakas na agos ng tubig, flash flood, landslide, hypothermia, cardiac arrest, hirap sa paghinga, at electrocution.”
Aniya, napakahusay ng paghahanda ng mga local government units (LGUs), ngunit inamin na “nagulat” sila sa lakas ni Paeng.
Para mabawasan ang mga namamatay, sinabi ni Marcos na kailangang gawin ng mga LGU ang lahat ng pagsisikap na dalhin ang naiwan na “10 porsiyento” sa mga evacuation center bago tumama ang bagyo sa kani-kanilang lokalidad.
“Everywhere ka pumunta, problema ang evacuation. Ayaw nilang iwanan yung bahay nila eh. Siyempre, you cannot blame them,” aniya.
Ibinigay ni Marcos ang direktiba, dahil nabanggit niya na nagiging hamon ang pagsubaybay sa mga bagyo.
Aniya, ang kahandaan ng gobyerno sa kalamidad ay mahalaga sa pagtiyak ng kaligtasan ng lahat at pag-iwas sa masamang epekto ng mga bagyo sa bansa.
“Again, the preemptive evacuation is effective so let us do that. It saves many people,” wika ni Marcos.
“We really have to be prepared kasi I don’t know how to prepare. Bago ito. Everything is new. But siguro, ‘yun na nga, we stay with the routine, with the procedures, the procedures of preemptive evacuation, our forward placement of relief goods and water supply,” dagdag niya.
Noong Nobyembre 2, nilagdaan ni Marcos ang Proclamation 84, na naglalagay sa mga rehiyon ng Calabarzon, Bicol, at Western Visayas, gayundin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa ilalim ng state of calamity upang mapabilis ang rescue, recovery, relief, at mga pagsisikap sa rehabilitasyon ng gobyerno at pribadong sektor.
Makakatulong din ang deklarasyon ng state of calamity na makontrol ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin sa mga rehiyon at mabigyan ng sapat na panahon ang gobyerno para maglaan ng pondo para sa relief operations at rehabilitation measures.