Kamara, inaprubahan ang P5.268-T 2023 nat’l budget sa huling pagbasa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Inaprubahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong Miyerkules ng gabi sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang PHP5.268 trilyong national budget para sa 2023.

Sa 289 affirmative votes, tatlong negatibong boto, at walang abstention, ipinasa ng Kamara ang House Bill 4488, o ang 2023 General Appropriations Bill (GAB), na siyang magiging unang national budget na maisasabatas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ipinasa ng Kamara ang bersyon nito ng spending measure sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa parehong araw kasunod ng certification of urgency ni Marcos.

Nauna rito, nanawagan si Pangulong Marcos para sa mabilis na pagpasa ng panukalang 2023 budget “upang matugunan ang pangangailangan na mapanatili ang tuluy-tuloy na operasyon ng gobyerno kasunod ng pagtatapos ng kasalukuyang fiscal year, palakasin ang mga pagsisikap na tumugon nang mas epektibo sa Covid-19 pandemic, at suportahan ang mga hakbangin tungo sa national economic recovery.”

Pinuri ni Speaker Martin Romualdez ang kanyang mga kasamahan para sa kanilang mahalagang kontribusyon sa mabilis na pagpasa ng GAB at sa pagtiyak na ang bawat sentimo ay ginagastos nang maayos upang maipatupad ang mga programa ng administrasyong Marcos na naglalayong buhayin ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng matagal na masamang epekto ng coronavirus pandemic.

The expeditious passage of the proposed 2023 budget is the product of the collective effort of the entire House, in transparent and open proceedings where the majority accorded ample opportunity for the constructive inputs of our friends from the minority bloc,” wika ni Romualdez.

Sinabi niya na ang budget na inaprubahan ng Kamara para sa 2023 ay nananatiling pare-pareho sa 8-point socio-economic agenda ng administrasyong Marcos upang makamit ang sustainable growth.

Sa pag-apruba ng GAB, naabot ng Kamara ang self-imposed deadline nito para wakasan ang mga deliberasyon sa panukalang 2023 budget bago ang adjournment ng session mula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 6, 2022.

Inabot ng halos anim na linggo ang House of Representatives bago aprubahan ang GAB, mula noong isumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang National Expenditure Program (NEP) noong Agosto 22, 2022.

Nauna rito, ipinunto ng economic team ng gobyerno na ang administrasyong Marcos ay naglalayong makamit ang 6.5 hanggang 8.0 porsiyentong tunay na gross domestic product (GDP) na paglago taun-taon sa pagitan ng 2023 hanggang 2028 upang makamit ang isang digit o 9.0 porsiyentong poverty rate sa 2028.

Alinsunod sa naturang layunin, ang PHP5.268-trillion NEP na isinumite ng DBM ay 4.9 porsiyentong mas mataas kaysa sa 2022 budget at binibigyang prayoridad ang edukasyon, pagpapaunlad ng imprastraktura, kalusugan, agrikultura, at social safety nets.

Sa ilalim ng NEP, ang sektor ng edukasyon ay tatanggap ng 8.2 porsiyentong pagtaas sa susunod na taon sa PHP852.8 bilyon at mananatiling may pinakamataas na priyoridad sa badyet ayon sa mandato ng Konstitusyon.

Tumaas ang badyet ng Department of Education mula PHP633.3 bilyon nitong 2022 sa PHP710.6 bilyon para sa 2023.

Sa kabilang banda, kabuuang PHP1.196 trilyon ang inilaan para sa 2023 infrastructure programs ng gobyerno.

Samantala, ang sektor ng kalusugan ay tatanggap ng 10.4 porsiyentong pagtaas ng badyet sa PHP296.3 bilyon sa 2023, kasama ang mga badyet ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Upang mapabuti ang pagganap nito, PHP184.1 bilyon ang inilaan sa sektor ng agrikultura, isang 39.2 porsiyentong pagtaas mula sa alokasyon nito nitong 2022. Kasama sa kabuuang halaga ang PHP29.5 bilyon para sa mga serbisyo ng irigasyon.

Ang mga alokasyong ito ay naaayon sa direktiba ng Pangulo na dapat bigyan ng pangunahing priyoridad ang agrikultura upang pasiglahin at baguhin ang sektor na ito mula sa pagiging huli sa ekonomiya tungo sa isa sa mga pangunahing magtutulak sa paglago at trabaho.

LATEST

LATEST

TRENDING