
MANILA — Bago pa man makalabas ng bansa ang Bagyong Inday, namataan na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isa pang low-pressure area (LPA) na patungo sa Northern Luzon.
Ang LPA, na papasok pa lang sa Philippine area of responsibility, ay maaaring maging tropical storm sa loob ng susunod na tatlong araw. Ito ay huling namataan kahapon sa layong 2,255 kilometro silangan hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon.
Sinabi ng PAGASA na inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility ang Bagyong Inday (Muifa) bukas ng umaga o hapon at tutungo sa direksyon ng Taiwan.
Ang bagyo, dagdag nito, ay lumalakas at bumabagal sa layong 330 km hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Ito ay patungo sa kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Bagama’t hindi na nagdadala ng ulan si Inday sa Northern Luzon, ang habagat ay magdudulot ng mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Batanes at sa kanlurang bahagi ng Northern Luzon.