
MANILA — Bahagyang lumakas at bumagal ang tropikal storm Inday (international name: Muifa) sa Philippine Sea, iniulat ng state weather bureau PAGASA nitong Biyernes.
Namataan si Inday sa layong 870 kilometro silangan ng Central Luzon, taglay ang peak wind na 85 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 kph. Mabagal itong gumagalaw pakanluran hilagang-kanluran.
“Aside from the rain showers caused by its trough, Tropical Storm Inday remains less likely to bring heavy rains in the country throughout the forecast period,” ayon sa PAGASA.
Sinabi rin ng weather agency na ang pagtataas ng mga signal ng hangin sa anumang lugar ng lupain sa bansa ay nananatiling malabo.
Maaaring magdala si Inday ng katamtaman hanggang sa maalon na karagatan sa mga seaboard ng Batanes (2 hanggang 4 na metro) at Babuyan Islands (1.5 hanggang 3 metro) simula kalagitnaan hanggang huli ng Sabado. Maaaring mapanganib ang mga kundisyong ito para sa mga gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat.
Ang bagyo ay tinatayang aabot sa kategoryang severe tropical storm ngayong Biyernes. Sinabi ng PAGASA na inaasahang magaganap ang karagdagang pagtindi hanggang Linggo o Lunes.
Inaasahang lalabas ito sa Philippine Area of Responsibility nang maaga sa susunod na linggo.
Posisyon ni Inday
- September 9, 2022 2:00 PM – 800 km silangan ng Aparri, Cagayan
- September 10, 2022 2:00 AM – 635 km silangan ng Basco, Batanes
- September 10, 2022 2:00 PM – 515 km silangan ng Itbayat, Batanes
- September 11, 2022 2:00 AM – 405 km silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes
- September 11, 2022 2:00 PM – 340 km silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes
- September 12, 2022 2:00 AM – 325 km hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes
- September 13, 2022 2:00 AM – 365 km hilagang hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes
- September 14, 2022 2:00 AM – 515 km hilagang hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes (sa labas ng PAR)