
MANILA – Inimbitahan ni Indonesian President Joko Widodo noong Lunes si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipagpatuloy ang pagbuo ng trade potential at connectivity sa Indonesia-Philippines border.
“I invite the Philippines to continue developing trade potentials as well as connectivity in border areas,” wika ni Widodo sa magkasanib na pahayag pagkatapos ng kanyang bilateral na pagpupulong kay Marcos sa Bogor Presidential Palace sa West Java.
Sa partikular, sinabi ni Widodo na iminungkahi niya ang pagpapasigla sa mga shipping route – roll-on/roll-off (Ro-Ro) na mga shipping route sa pagitan ng Bitung at Davao at muling pagbubukas ng Manado-Davao flight route.
Kumpara noong nakaraang taon, tumaas aniya ng halos 50 porsiyento ang kalakalan sa pagitan ng Indonesia at Pilipinas.
“Indonesia, in particular, encouraged the increase of export of food and beverages, pharmaceuticals, coconut, and seaweed products,” dagdag niya.
Gayundin, sinabi ni Widodo na inaasahan niya ang paigting na kooperasyon sa imprastraktura at estratehikong industriya.
“…A number of Indonesian SOEs [state-owned enterprises] have participated in development programs in the Philippines. For instance, the procurement project of two-landing platform dock vessels by PT PAL and the railway signaling project in Manila by PT LEN. I hope that the planned purchase of NC212i aircraft from PT. Dirgantara can be realized,” wika niya.
Nagpahayag din siya ng pag-asa na mas maraming pagkakataon ang lalabas para sa mga Indonesian SOE at pribadong sektor na suportahan ang pag-unlad ng Pilipinas.
Border, defense cooperation
Sinabi ni Widodo na nagkasundo ang Indonesia at Pilipinas na suriin ang mga kasunduan sa border security gayundin ang revised Border Crossing Agreement at Border Patrol Agreement.
Sinabi niya na ang Indonesia ay nakatuon din sa pagpapabilis ng negosasyon sa delimitation ng continental shelf batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea 1982.
Sinabi ni Widodo na sumang-ayon ang dalawang bansa na hikayatin ang pagpapalakas ng kooperasyon at kaligtasan at seguridad ng mga katubigan sa mga hangganang lugar, at sinabing lubos niyang pinahahalagahan ang paglagda sa “Agreement on Cooperative Activities in the Field of Defense and Security”.
Malugod din niyang tinanggap ang pag-renew ng Trilateral Cooperative Arrangement (TCA) sa pagitan ng Indonesia, Pilipinas, at Malaysia, na kinakailangan upang maprotektahan mula sa mga banta ng hostage-taking at kidnapping.
Bukod sa pakikipagtulungan sa hangganan, sinabi ni Widodo na tinalakay din nila ang mga paraan upang palakasin ang Association of Southeast Asian Nations (Asean) at ang pagpapatupad ng Asean Outlook sa Indo-Pacific.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng sentralidad at pagkakaisa ng Asean.
“Indonesia wishes to ensure that Asean remains an engine of peace, stability, peace and prosperity in the region. Asean must be able to address the challenges ahead and strengthen respect for the Asean Charter,” wika niya.
Sinabi ng pinuno ng Indonesia na ang pagpapatupad ng Asean Outlook sa Indo-Pacific sa pamamagitan ng konkreto at inklusibong kooperasyon ay makakatulong sa pagpapalakas ng Asean Centrality.
Samantala, sinabi rin ni Widodo na isang karangalan para sa Indonesia na makatanggap ng kauna-unahang overseas visit ni Marcos at ng kanyang delegasyon.
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa pangako ng Pilipinas na palawigin ang buong suporta nito sa pamumuno ng Indonesia sa Asean ngayong 2023.
Kasalukuyang nasa Indonesia si Marcos para sa tatlong araw na state visit mula Setyembre 4 hanggang 6.
Bago nakipagkita kay Widodo, nakipagpulong siya sa Filipino community sa Jakarta.