
MANILA – Inaprubahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paunang PHP287.95 milyon para tustusan ang patuloy na pagsisikap sa pagsuporta sa mga dating rebelde at kanilang mga pamilya sa kanilang muling pagsasama sa lipunan.
Ang budget ay magtutupad sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na parangalan ang tagumpay ng mga programa ng administrasyong Duterte para wakasan ang communist insurgency.
Sinabi ni Undersecretary for Inclusive and Sustainable Peace Alan Tanjusay nitong Martes na para sa ikalawang kalahati ng 2022, ang DSWD ay gagastos para sa sustainable livelihood, modified shelter assistance, at cash-for-work programs para sa mga dating rebelde at decommissioned combatant.
Ang budget ay tutustusan ang pagtatayo ng 150 shelters sa mga natukoy na barangay sa 13 rehiyon, livelihood grants, at tulong para sa mga pamilya ng dating rebelde.
“This is President Marcos’ initial commitment to former rebels and former extremists and their families across various spectrums and persuasions, including those in hard-to-reach communities in various regions who returned to the fold of the law and who wanted to live a normal, peaceful lives and help in nation-building,” wika ni Tanjusay sa isang pahayag.
Una pa lamang aniya ito sa maraming pangako sa ilalim ng direktiba ni Marcos na walang dapat iwanan.
Sa pakikipagpulong kay Secretary Carlito Galvez Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) nitong Lunes, kinumpirma ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo ang patuloy na suporta ng DSWD sa mga programang pangkapayapaan at nangako na magbibigay ng pinansyal, materyal, at mga programang psycho-social sa mga dating rebelde at marahas na ekstremista at kanilang mga pamilya.
Tinutulungan ng DSWD ang mga pagsisikap ng pamahalaan para sa kapayapaan sa pamamagitan ng iba’t ibang hanay ng cash assistance, livelihood grants, at housing assistance para sa mga dating rebelde na sinuri ng OPAPRU.





