
MANILA –Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na iniimbestigahan ang viral Facebook post na umano’y isang guro na nagsasagawa ng pambu-bully sa unang araw ng klase.
Sa isang mensahe ng Viber, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na alam na ng concerned regional information officer ang usapin, at nakikipag-ugnayan na sila sa nag-post ng insidente.
“We have to investigate first what happened. The SDO (Schools District Office) is already in contact with the author of the post to get the facts… They are already in contact and looking into what really transpired,” aniya.
Samantala, sinabi ni Jeannie Vargas, ang may-akda ng trending post, na pinanghinaan ng loob ang kanyang pamangkin na pumasok sa paaralan.
“No, the kid doesn’t wanna go back to school na po. Takot na humarap sa teacher. Takot na pumasok. They’re actually in our local DepEd office right now, talking with a lawyer and a doctor daw para sa niece ko,” wika niya.
Ang trending post, na may halos 150,000 reactions at halos 70,000 shares, ay may kasamang larawan ng handwritten note ng umano’y pag-uusap ng kanyang Grade 5 na pamangkin at ng guro noong unang araw ng harapang klase.
Kasama sa sulat-kamay ang mga salitang tulad ng “bruha, bobo, hayop,” na sinasabi umano ng kanyang guro habang nahihirapan ang kanyang pamangkin na tapusin ang kanilang aktibidad sa pagsusulat.

Sinabi ni Vargas na hindi nasabi ng mag-aaral ang kanyang karanasan dahil sa trauma, kaya’t pinili niyang isulat ang tala.
“Grabe, sobra naman itong teacher na ito. Sobrang excited ng pamangkin ko pumasok dahil first day at first time ulit na face-to-face classes, tapos ito ma-experience niya agad. Nakakalungkot,” wika niya sa kanyang post.
Gayunpaman, nilinaw niya na ang post ay hindi naglalayong siraan ang mga guro sa pangkalahatan o ang institusyon kung saan kasalukuyang naka-enrol ang kanyang pamangkin, iginiit na ginawa niyang publiko upang itaas ang kamalayan sa mga usapin ng pambu-bully at kung paano ito maaaring makapinsala sa kalusugan ng isip ng mga mag-aaral, lalo na sa murang edad.