DOTr, nais itaas ang kapasidad ng EDSA Carousel sa 650 bus

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Nakipag-usap ang Department of Transportation (DOTr) sa transport consortiums na nagpapatakbo ng public utility buses (PUB) sa kahabaan ng EDSA Carousel para taasan ang maximum capacity ng ruta sa 650 para matugunan ang mahabang pila ng mga pasahero sa peak hours.

Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan na dumarami ang mga pasaherong gumagamit ng EDSA Carousel.

“Iyon pong operator ay itataas iyong bilang ng mga bus mula po sa 550 paakyat sa 650. So nagdadagdag na po tayo ng bus units diyan,” wika ni Batan.

Para mas mapabuti pa ang serbisyo at ginhawa nito para sa mga pasahero, nakatakda aniya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magbukas ng dalawa pang EDSA Carousel stations sa kahabaan ng Tramo at Ayala Avenue.

Ito ay matapos ilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at DOTr ang dalawang bagong median bus stop nitong Agosto — sa kahabaan ng Roxas Boulevard at Taft Avenue.

Hindi kasama ang dalawang istasyon na ginagawa pa, mayroong kabuuang 15 median bus stop para sa EDSA Carousel kasama ang tatlong iba pang bus stop sa mga panlabas na daanan.

Ang mga pagpapahusay na ito ay makatutulong upang matugunan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa sandaling magsimula ang klase sa Agosto 22 at ang unti-unting pagbabalik ng harapang klase sa Nobyembre, ani Batan.

Kabilang dito ang mga hakbang sa kaligtasan sa kalsada upang palakasin ang kaligtasan ng pedestrian at commuter at ang pagpapatuloy ng programang ‘Libreng Sakay’ sa EDSA Bus Carousel at sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Dagdag pa rito, sinimulan na aniya ng LTFRB ang muling pagbubukas ng mahigit isang daang pre-pandemic city bus, public utility jeepney, at UV Express na mga ruta.

“Para po masigurado natin na kapag nag-balik eskuwela po tayo sa parating na linggo ay magkakaroon po tayo ng sapat na bilang ng mga public transport na masasakyan po ng ating mga estudyante,” wika niya.

Noong Hulyo, sina DOTr Secretary Jaime Bautista at LTFRB Chair Cheloy Garafil ay nakipagpulong sa mga kinatawan mula sa dalawang EDSA Carousel bus consortia at napagkasunduan na pabilisin ang pagbabayad para sa programang ‘Libreng Sakay’ bilang kapalit sa pagde-deploy ng 440 bus tuwing rush hour, kumpara sa dating average na 200 bus lang.

LATEST

LATEST

TRENDING