DepEd: 21.8 milyong mag-aaral ang naka-enroll para sa SY 2022-2023

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

MANILA – Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, Agosto 17, na mayroong 21.8 milyong mag-aaral na nag-enroll para sa School Year (SY) 2022-2023 na nakatakdang magsimula sa susunod na linggo.

Batay sa pinakahuling datos ng Learner Information System (LIS) para sa SY 2022-2023, sinabi ng DepEd na umabot na sa kabuuang 21,837,853 ang bilang ng mga rehistradong estudyante para sa paparating na pasukan.

Sa bilang na ito, 19,233,796 na mag-aaral ang naka-enrol sa mga pampublikong paaralan; 2,531,715 ay nasa pribadong paaralan; at 72,342 ay nasa State Universities and Colleges/ Local Universities and Colleges (SUCs/LUCs) na nag-aalok ng basic education.

Ang Region IV-A pa rin ang may pinakamalaking bilang ng enrollees na may 3,142,716 na sinundan ng Region III na may 2,419,137, at ang National Capital Region (NCR) na may 2,330,450.

Ang mga hindi pa nakakapag-enroll ay hinihikayat na magparehistro sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng tatlong paraan ng pagpapatala: in-person, remote, at dropbox enrollment.

Nagsimula ang enrollment period noong Hulyo 25 at magtatapos sa unang araw ng mga klase sa Agosto 22.

Sa isang panayam, sinabi ni Vice President Sara Duterte na patuloy pa rin ang paghahanda para sa pagbubukas ng paaralan sa susunod na linggo.

We’re trying to arrange it with the field operations,” wika ni Duterte nang tanungin kung anong paaralan ang bibisitahin niya sa pagbubukas ng klase.

Habang hindi pa natukoy ang eksaktong paaralan, sinabi ng DepEd Chief na ito ay sa Luzon, sa labas ng Metro Manila.

Samantala, sinabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa na papasok pa rin ang datos sa bilang ng mga paaralang magpapatupad ng face-to-face classes, blended learning, at full distance learning mula sa iba’t ibang regional offices.

In general, DepEd is very confident that we’re ready for this coming school year,” sinabi ni Poa sa Manila Bulletin sa isang panayam.

Sa isang pulong ng Management Committee na ginanap noong Agosto 17, sinabi ni Poa na ang lahat ng mga Regional Director ay nagtitiwala na sila ay handa hindi lamang bumalik sa paaralan ngunit sa isang tiyak na antas, upang gumawa ng ilang face-to-face o in-person classes.

Gaya ng naunang pahayag, sinabi ni Poa na papayagan ng DepEd ang mga paaralan na magpatupad ng mga alternatibong learning delivery modes sa panahon ng transition simula Agosto 22 hanggang Oktubre 31.

Simula Nobyembre 2, sinabi ng DepEd na magiging mandatory ang in-person classes para sa lahat ng paaralan sa buong bansa — pampubliko at pribado.

LATEST

LATEST

TRENDING