Marcos, inihayag ang 3 ‘pangarap’ para sa sektor ng agrikultura ng Pilipinas

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

MANILA – Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mayroon siyang tatlong “pangarap” para sa sektor ng agrikultura ng bansa — sustainable livelihood para sa mga magsasaka, food security at abot-kayang pagkain para sa lahat.

Ipinahayag ni Marcos ang mga layuning ito sa kanyang lingguhang vlog na na-upload noong Linggo ng gabi.

Aniya, ang pagtitiyak na ang mga magsasaka ay may napapanatiling kabuhayan ay mag-uudyok sa iba na ituloy ang larangan ng agrikultura.

“Simple lang naman ang pangarap ko: Kailangan magkaroon ng kumikitang kabuhayan ang ating mga magsasaka ng sa ganon ay maengganyo ang susunod pang mga henerasyon na ipagpatuloy ang industriyang ito,” isinaad niya.

Sinabi ni Marcos na nais din niyang makamit ng bansa ang food self-sufficiency sa pamamagitan ng pagbibigay-priyoridad sa lokal na produksyon kaysa sa pag-angkat ng pagkain.

“Pangalawa, magkaroon tayo ng seguridad sa pagkain na ‘di umaasa hanggat maaari sa ibang bansa,” dagdag niya.

Sa huli, sinabi niyang nais niyang maging abot-kaya ang pagkain para sa lahat ng Pilipino sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pagkain at napipintong kakulangan.

“At pangatlo, ang magkaroon ng murang pagkain para sa lahat. Ang pangarap ko ay wala nang gutom na Pilipino. At tiyak ko na pangarap rin ng bawat isa sa atin ‘yan,” isinaad niya.

Sinabi ni Marcos na ang kanyang karanasan bilang gobernador ng Ilocos Norte sa loob ng 12 taon ay nagpalapit sa kanyang puso ng agrikultura.

“Nakita ko ‘yung aming nagawa, nakita ko ang maaring gawin kaya alam ko na kaya nating ayusin itong mga problemang hinaharap ng ating mga magsasaka at ng buong agrikultura na sektor,” wika niya.

Aniya, ang mga problemang kinakaharap ng industriya ng agrikultura ay hindi lamang nakakaapekto sa mga magsasaka at mangingisda, kundi maging sa bawat pamilyang Pilipino.

“Ang ating ekonomiya ay nakasalalay sa mga malulusog at malalakas na manggagawa. Higit pa sa anong gamot at bitamina, ang masustansya at kayang bilhin na pagkain ang siyang hindi dapat mawawala sa hapag kainan ng bawat tahanan,” aniya.

Tiniyak ni Marcos na magsisikap ang gobyerno hanggang sa maabot ang mga layuning ito.

“Patuloy ang ating pagpupursigi na ibangon at ilaban ang industriyang ito hanggang sa makamtan natin ang mga pangarap na ‘yan,” dagdag niya.

Noong nakaraang linggo, inatasan ni Marcos ang Department of Trade and Industry na magbigay ng mas murang pataba para sa mga magsasaka.

Kasalukuyang naghahanap ang gobyerno ng “non-traditional” na mga mapagkukunan ng pataba upang matiyak na ang mga abot-kayang pataba ay makukuha sa pamilihan.

Kasunod ng pagtaas ng presyo ng asukal, binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangang unahin ang pagsisikap na palakasin ang lokal na produksyon ng mga bilihin.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang bawasan ang pag-import ng pagkain sa pinakamababa.

LATEST

LATEST

TRENDING