
MANILA – Susubaybayan ng Senado ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 11916, o ang Social Pension for Indigent Seniors Act, na naging batas noong Hulyo 30.
Tinatawag na “great legacy” ng 18th Congress, ang RA 11916 din ang pinakamagandang regalo na maibibigay ng administrasyong Marcos sa mga apat na milyong Pilipinong may edad 60 pataas, ayon sa punong may-akda na si Senator Joel Villanueva.
Sinabi ni Senador Sonny Angara na “panahon na para magbigay muli” sa sektor na nag-ambag sa maraming paraan sa lipunan.
Tiniyak niya na titiyakin ng Senado na maipapatupad ang batas, na dinoble ang PHP500 buwanang pensiyon.
“Tayo ay nagpapasalamat at naging ganap na batas na ang pagdagdag ng social pension para sa ating mga senior citizens na ngayon ay magiging PHP1,000 na kada buwan,” wika ni Angara sa isang pahayag.
Ang National Commission of Senior Citizens, na nasa ilalim ng Office of the President, ang mamamahagi ng pensiyon, sa halip na ang Department of Social Welfare and Development.
Sa pagpasa ng RA 11916, sinabi ng co-author na si Senator Grace Poe na binibigyan na ngayon ng gobyerno ng pagkakataon ang mga matatanda na makatanggap ng mas mabuting pangangalaga sa kalusugan at buhay.
“Aside from a higher pension, an important aspect of this law is its adaptive character which allows for an adjustment of the social pension, if necessary, every two years subject to review and consultation and taking into account the prevailing consumer price index,” paliwanag ni Poe sa kanyang manifestation noong Martes.
Nagpasalamat si Poe sa kanyang mga kasamahan sa pagsuporta sa RA 11916, lalo na kay Villanueva na aniya ay magkakaroon ng makabuluhang pagdiriwang ng kaarawan.
“Happy birthday indeed. Batas na po ang ating, doubling the pension of indigent senior citizens. Praise God!” wika ni Villanueva, na naging 47 taong gulang noong Martes, sa isang pahayag.
Ipinaabot din ni Poe ang pasasalamat ng Senado kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkilala at pagkilos sa mga pangangailangan ng mga senior citizen.