
MANILA – Muling nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Lunes sa mga Pilipino na magpa-booster shot laban sa Covid-19, na humihiling sa kanila na huwag hintayin ang pagdami ng mga kaso at pagkaka-ospital.
Ginawa niya ang panawagang ito matapos bumisita sa Pasig City Sports Center upang personal na obserbahan ang isinasagawang vaccination drive ng lungsod.
“Wala naman tayong ibang panlaban dito kung hindi ang vaccine. Huwag na po natin hintayin na dumami pa ang mga kaso at maging mahirap na naman ang ating pagpunta sa trabaho, ang ating paglabas ng bahay,” aniya sa isang talumpati sa vaccination visit sa Pasig City.
Hinimok ni Marcos ang publiko na kumbinsihin ang kanilang mga pamilya at mga mahal sa buhay na magpa-booster laban sa Covid-19, lalo na’t nakatakdang ipagpatuloy ang face-to-face classes sa susunod na buwan.
“Hikayatin ninyo ‘yung mga kasamahan ninyo, ‘yung pamilya ninyo lahat, sabihin ninyo lahat na magpa-booster na para hindi niyo na kailangan alalahanin itong Covid na ito para masasabi natin dito sa Pilipinas ay tapos na,” dagdag niya.
Inulit niya ang kanyang pangako na hindi na kailangang magpataw ng mga lockdown sa kabila ng pagtaas ng mga impeksyon sa Covid-19.
“Uulitin ko sa aking palagay kaya naman nating makontrol ito kaya’t hindi na tayo maglo-lockdown,” aniya.
Ginawa ni Marcos ang parehong pangako sa kanyang unang State of the Nation Address noong Hulyo 25.
Pinaalalahanan niya ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at physical distancing.
Binati rin ni Marcos ang pamahalaang lungsod ng Pasig sa matagumpay nitong paglulunsad ng mga booster vaccination.
Sa ngayon, nasa 71.6 milyong Pilipino na ang nabakunahan ng primary series o ang unang dalawang dosis ng mga bakuna laban sa Covid-19.
Gayunpaman, 15 milyon lamang ang nakakuha ng kanilang mga booster jab.