MANILA – Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na hindi na kailangan pang isara ang mga hangganan ng bansa sa gitna ng lumalaking alalahanin tungkol sa monkeypox virus.
“Closing our borders….is somehow irrational at this point,” ani Vergeire sa isang press briefing noong Martes, Agosto 2.
“I’d like to tell everyone of you hindi po natin papalitan ang restrictions natin sa ngayon sa borders,” dagdag niya.
Sinabi ng opisyal ng DOH na idineklara pa ng World Health Organization (WHO) na low to moderate risk ang banta ng virus na ito.
“At sinabi din nila, hindi natin kailangan itigil ang trade, hindi natin kailangan mag restrict ng ating borders,” aniya.
Binanggit din ni Vergeire na nananatiling walang rekomendasyon mula sa mga lokal na eksperto hinggil sa bagay na ito.
‘Huwag maparalisa sa takot’
Nanawagan din si Vergeire sa publiko na huwag maparalisa sa takot, sa halip ay manatiling mapagbantay at magsagawa ng mga hakbang sa kaligtasan upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit.
“I just like to tell our kababayans, let us not be paralyzed with fear. Kailangan lang po talaga tayo ay vigilant, kailangan alam natin kung paano nakukuha ang sakit na ito, kailangan alam natin kung paano mapipigilan ang sakit na ito,” aniya.
Binigyang-diin din ni Vergeire ang kahalagahan ng wastong kalinisan, partikular ang paghuhugas ng kamay.
Paigtingin ang surveillance efforts
Sinisikap na rin ngayon ng DOH na magbigay ng kasangkapan sa iba pang laboratoryo sa bansa para ma-detect nila ang monkeypox virus.
Sa ngayon, tanging ang Research Institute for Tropical Medicine lamang ang may kakayahang magsagawa ng pagsusuri para sa monkeypox.
“Tayo rin po ay nag i-establish na rin ng laboratories sa iba’ibang areas ng country. We are now mobilizing and capacitating our subnational laboratories para magkararoon din ng kapasidad na madetect itong monkeypox,” wika ni Vergeire.
“Ang ating mga ospital ay nabigyan ng kanilang orientation and instructions on how we will deal with monkeypox virus,” dagdag niya