Marcos, binibigyang-diin ang pangangailangan para sa ‘disaster-proof’ planning

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kahalagahan ng “disaster-proof” planning ng mga komunidad, matapos niyanig ng magnitude 7 na lindol ang Abra at mga kalapit na lalawigan sa hilagang Luzon noong Hulyo 27.

Ikinalungkot ni Marcos kung paano napinsala ng malakas na lindol ang ilang mga bahay, gusali, at mga cultural at heritage site, kabilang ang kanyang sariling lalawigan, Ilocos Norte.

Sa kanyang pinakabagong vlog na na-upload sa kanyang opisyal na Facebook page noong Sabado, nangako si Marcos na titiyakin ng kanyang administrasyon ang agarang pagpapanumbalik ng mga nasirang istruktura.

“Ito’y nasira at kailangan talagang ma-restore kaagad. Kaya naman lahat ng ating mga ma-itatayo na mga bago ay disaster-proof na ang ating pagplano sa mga ito mula sa mga kalye, building, pati na rin heritage site, eskwelahan, ospital, mga bahay ng ating mga mamamayan,” aniya.

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado na ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng malakas na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng hilagang Luzon ay umakyat na sa 62,024.

Ang datos ay katumbas ng 228,238 katao na naninirahan sa 639 na mga nayon sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, at Cordillera.

Hindi bababa sa 1,910 pamilya o 6,490 indibidwal ang nasa evacuation centers, habang ang iba ay tinutulungan ng mga pamilya at kaibigan, ayon sa ulat ng NDRRMC.

Nasa 12,645 na bahay sa Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera, at Metro Manila ang inuri bilang “partially damaged,” habang 157 iba pa ang “totally damaged.”

Pinapurihan ni Marcos ang mga national government agency at ng mga local government unit para sa kanilang mga pagsisikap sa pagtugon sa lindol.

Nagpasalamat din siya sa mga pribadong indibidwal na tumulong sa gobyerno sa pagtulong sa mga biktima.

Maraming, maraming salamat sa inyo. Lahat po iyan ay nagamit na ng mga naging biktima nitong napakalakas na lindol,” wika ni Marcos.

Binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangang palakasin ang pagtugon at paghahanda sa mga sakuna dahil ang Pilipinas ay matatagpuan sa kahabaan ng typhoon belt, tinatamaan ng humigit-kumulang 20 bagyo taun-taon, at ang tinatawag na “Ring of Fire”, kung saan madalas nangyayari ang mga pagsabog ng bulkan at lindol.

Tayo rin ang may pinakamataas ang risk sa mga epekto ng climate change. Takaw sakuna ang ating lokasyon kaya’t hindi tayo dapat magkulang sa paghahanda,” aniya.

Muling iginiit ni Marcos na ang agarang pagpasa ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps program, sa pagkakataong ito para sa mga mag-aaral sa senior high school sa halip na sa antas ng kolehiyo, ay makatutulong sa pagsasanay at pagpapakilos sa mga kabataan sa panahon ng mga emerhensiya, kabilang ang paghahanda sa sakuna at pagbuo ng kapasidad para sa mga sitwasyong may kaugnayan sa panganib.

Mag-ingat po tayong lahat at laging tandaan na sa anumang atin pang harapin, ang diwa ng ating pagka-Pilipino ay mananatiling maningning,” wika niya. 

LATEST

LATEST

TRENDING