
MANILA – Humingi ng kooperasyon sa pribadong sektor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para mabigyan ng suporta ang mga magsasaka.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Marcos ang mga larawan ng kanyang pakikipagpulong sa mga miyembro ng Private Sector Advisory Council sa Palasyo ng Malacañang sa Maynila noong Huwebes.
Sinabi ni Marcos, na siya ring nagsisilbing agriculture czar, na “excited” siyang makipagtulungan sa pribadong sektor sa pagpapabuti ng sektor ng agrikultura.
“I thank the members of the Private Sector Advisory Council for joining us in a meeting to discuss and exchange ideas about scaling up our agricultural sector,” aniya. “It is refreshing to hear ideas from them, and I’m excited to establish programs with the cooperation of the private sector to help our farmers.“
Gayunpaman, hindi idinetalye ni Marcos ang mga partikular na programa na nais niyang ipatupad para mapalago ang agrikultura.
Sa press briefing noong Hulyo 5, nangako si Marcos na maghahanap ng pangmatagalang solusyon para matugunan ang mga problemang bumabagabag sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Ginawa niya ang pangako habang idiniin niya na ang pagkakaroon ng “matatag” na agrikultura ay susi sa pagbuo ng isang mas malakas na ekonomiya.
Binigyang-diin din ni Marcos ang pangangailangang palakasin ang produksyon ng mga staple tulad ng palay at mais, gayundin ang mga alagang hayop at pangisdaan.
Aniya, isa sa mga panandaliang solusyon ay ang pagtaas ng produksyon ng pagkain para sa natitirang bahagi ng 2022.
Nangako rin siya na maghahanap ng mga paraan upang matugunan ang krisis sa presyo ng pagkain.
“We still have to feed our people and so, we still have to find strategies to make sure that those who are in need are supported by the government as best as we can do,” wika ni Marcos.





