
MANILA – Sinabi ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes na gusto niyang pangalagaan ni Vice President at incoming Department of Education (DepEd) chief Sara Duterte ang kapakanan ng mga guro sa bansa.
Ipinahayag ito ni Marcos matapos ihayag ni Duterte na inutusan siya ng papasok na Presidente na suriin ang pagpapatupad ng K to 12 program ng bansa.
Aniya, ayaw niyang pangunahan ang mga plano ng papasok na bise presidente, ngunit pinaalalahanan siya na huwag kalimutan ang kalagayan ng mga guro.
“Ang aking laging pinapaalala sa kanya is yung mga teacher. Kailangan alalayan ang mga teacher, kailangan i-training ang mga teacher para maganda ang maging trabaho nila,” wika ni Marcos sa isang press conference sa Mandaluyong City.
Bukod sa pagtiyak na ang mga guro ay tumatanggap ng makatarungang suweldo at benepisyo, nais niyang mabigyan sila ng skills training gayundin ng teaching supplies at equipment.
“Ang mga teacher naman, ‘yan ang pinaka madaling turuan,” dagdag niya.
Sinabi ni Marcos na gusto rin niyang suriin ni Duterte ang kasalukuyang “medium of instruction” na ginagamit sa mga paaralan.
“There was also the question of when we start to teach English…When we move from the lingua franca to English,” dagdag niya.
Sinabi ni Marcos na kailangang pagbutihin ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Umaasa rin aniya siya na bubuti ang literacy rate ng bansa sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Nauna nang sinabi ni Duterte na uunahin niya ang pagbibigay ng kalidad ng edukasyon sa mga estudyante at pagpapabuti ng kalagayan ng pamumuhay ng mga guro.
Nauna nang sinabi ni outgoing DepEd Secretary Leonor Briones na siya at ang kanyang team ay sabik na tulungan ang kanyang kahalili sa pagtiyak ng maayos na paglipat ng mga priority education program at policy, kabilang ang Basic Education Development Plan 2030





