Marcos admin, uunahin ang food security

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ipinahayag ni Press Secretary-designate Beatrix Rose “Trixie” Cruz-Angeles na gagawin ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat para unahin at matiyak ang food security sa bansa.

Ito, matapos ang World Bank, ang World Trade Organization, ang United Nations Food and Agriculture Organization, at ang World Food Program ay nagbabala tungkol sa isang pandaigdigang krisis sa pagkain na nakakaapekto sa mahihirap at papaunlad na mga bansa.

Sa isang pahayag, tiniyak ni Angeles-Cruz sa publiko na handa ang administrasyong Marcos na patatagin ang suplay ng pagkain at pagbutihin ang produksyon ng pagkain.

“Gaya nang nasabi na ni President-elect Marcos, mangangailangan ‘yan ng agarang tugon, at dapat agaran ding simulan ang pangmatagalang mga solusyon,” wika ni Cruz-Angeles.

Kinilala ni Cruz-Angeles na ang umiiral na coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic, ang Russia-Ukraine crisis, climate change, at oil price hikes ay kabilang sa mga salik na nagtutulak sa pandaigdigang kawalan ng seguridad sa pagkain.

Sinabi niya na ang ibang mga bansa na apektado ng nagbabantang kakulangan sa pagkain ay maaaring mapilitan na magpatibay ng mga hakbang na isinagawa noong 2007-2008 global food crisis, kabilang ang mga paghihigpit sa pag-export ng pagkain, upang harapin ang problema.

Inamin niya na isang hamon para sa Pilipinas na gumawa ng katulad na aksyon.

May mga bansang mapipilitang magsuspinde ng export ng kanilang produkto upang matiyak ang sarili nilang suplay ng pagkain at agapan ang pagtaas ng domestic prices sa gitna ng pagsipa ng world prices,” wika ni Cruz-Angeles.

Noong Mayo, nagbabala si Agriculture Secretary William Dar na mararamdaman ng bansa ang nagbabadyang krisis sa pagkain sa ikalawang bahagi ng 2022 dahil sa iba’t ibang hamon sa ekonomiya ng mundo na nagdulot ng pagtaas sa mga presyo ng domestic food, parehong lokal na gawa at inangkat.

Noong Huwebes, sinabi ng Department of Agriculture na nararamdaman na ngayon ng bansa ang epekto ng krisis sa pagkain, habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.

Nauna nang nangako si Marcos na gagawa ng plano para makamit ang food security at patatagin ang presyo ng mga agricultural commodities.

LATEST

LATEST

TRENDING