
MANILA – Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang rehistrasyon ng mga botante sa susunod na buwan bilang bahagi ng paghahanda para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 5, 2022.
Sa isang pahayag, sinabi ni acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang panukala ay isagawa ang voter registration mula Hulyo 4 hanggang 30.
Aniya, ang pagpapatuloy ng voter registration ay napapailalim sa pag-apruba ng Commission en banc.
Sinabi ni Laudiangco na nagsimula na ang lahat ng administratibo at operational na paghahanda para sa December BSKE, sa direksyon ng Commission en banc, kasama si Commissioner Rey Bulay bilang Commissioner-in-Charge.
Kasama sa iba pang aktibidad ang pagbalangkas ng mga implementing resolution, pagkuha ng ballot paper at iba pang election supply, procurement ng printing services para sa mga opisyal na balota, accountable at non-accountable forms at muling pagbisita/pag-aaral muli ng mga protocol sa kalusugan, kabilang ang pagpapatuloy ng probisyon ng mga isolation polling place sa pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sinabi ng Comelec na ang inaasahang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante para sa barangay elections ay 66,053,357 habang ang inaasahang rehistradong botante para sa SK polls ay 23,059,227.
“Please note that these are mere projections based on historical data for purposes of planning and procurement for the BSK,” wika ni Laudiangco.





