
DAVAO CITY — Hindi gustong palampasin ni Pangulong Duterte ang inaugural ng kanyang panganay na anak na si Sara Duterte-Carpio sa kanyang panunumpa bilang ika-15 bise presidente ng bansa ngayong Hunyo 19.
Puspusan na umano ang paghahanda para sa pagdalo ng Pangulo sa oath-taking ng kanyang anak sa San Pedro Square sa San Pedro Street.
Mas pinaigting ang seguridad para sa makasaysayang okasyon na makikita ang mag-ama sa parehong entablado.
Nagkataon din na ang Hunyo 19 ay Father’s Day, na kung saan ay markahan ang unang pagkakataon na makitang magkasama ang dalawa sa publiko, lalo na pagkatapos ng kampanya para sa national at lokal na halalan sa Mayo 9.
Ang pagdalo ni Duterte sa inaugural ay inaasahang magwawakas ng ilang buwan ng mga haka-haka na hindi maayos ang relasyon ng mag-ama.
Bukod sa nakatatandang Duterte, inimbitahan din sa inaugural ni Sara ang president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., outgoing Vice President Leni Robredo at lahat ng iba pang mga nakaraang presidente at bise presidente.
Ang mga opisyal at iba pang panauhin mula sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa ay inaasahang dadalo sa inaugural ni Sara, bukod sa pamilya at malapit na kamag-anak. Ang kanyang kapatid na si Sebastian, na incoming mayor ng Davao City, ay inaasahang manunumpa sa Hunyo 22.
Inaasahang dadalo rin ang Pangulo sa inaugural ni Sebastian.
Gayunpaman, sinabi ng isang opisyal ng Presidential Communications Operations Office sa mga mamamahayag ng Malacañang na ang pagdalo ng Pangulo sa kaganapan ay “tentative.”





