
MANILA — Inaasahang magpapatuloy ang programang “Libreng Sakay” ng gobyerno para sa mga commuters kahit bumaba na sa pwesto si Pangulong Duterte ngayong Hunyo 30, inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong weekend.
Nagbigay ng katiyakan si LTFRB Chairman Martin Delgra II dahil sinabi niyang P7 bilyon ang nakalaan para sa servicing contracting program ng gobyerno, na nagbibigay ng libreng sakay sa mga pasahero.
“We expect that the free rides would continue even after June 30 hanggang maubos ‘yung P7 billion funding,” sabi niya sa isang press briefing.
Sa positibong feedback na natatanggap ng service contracting program mula sa publiko, sinabi ni Delgra na ang Department of Transportation sa ilalim ni Secretary Arthur Tugade ay nagmumungkahi sa papasok na administrasyon ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ang pagpopondo sa mga libreng sakay para sa susunod na taon.
Sa ilalim ng programa, ang mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV) ay nagbibigay ng libreng sakay sa mga commuter at binabayaran ng gobyerno linggu-linggo.
Sinabi ni Delgra na may posibilidad na matapos ang programa nang mas maaga kaysa sa unang timetable ng Disyembre ngayong taon dahil ipinapatupad ang mga libreng sakay sa 15 rehiyon.
Batay sa datos ng LTFRB, nasa kabuuang 163,901,979 commuters ang nabigyan ng libreng sakay.
Ayon kay Delgra, humigit-kumulang P2.96 bilyon ang ginastos ng gobyerno sa ilalim ng phase three ng programa.
Sa bilang, humigit-kumulang P1.45 bilyon ang ibinigay bilang payout at insentibo sa mga PUV operator at driver na sumali sa programa.





