
MANILA – Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng papasok na administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay magpapabilis ng pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng digital na paraan at gayundin ay uunahin ang kapakanan ng mga bata.
Kinilala ni incoming DSWD Secretary Erwin Tulfo ang mga nagawa ng kanyang hinalinhan na si Secretary Rolando Bautista, ngunit sinabi niyang nais niyang makamit ang higit pa.
“Kailangan pong dagdagan. Isa na po riyan iyong pagbibigay ng ayuda na mas mabilis na makarating sa mga tao,” wika ni Tulfo sa “Laging Handa” press briefer noong Martes.
Plano ni Tulfo na ipagpatuloy ang online platform ng pamamahagi ng cash aid sa mga benepisyaryo ng DSWD na sinimulan at ipinatupad ni Bautista sa pamamahagi ng social amelioration aid para sa mga bulnerableng pamilya na tinamaan ng Covid-19 pandemic.
Ipagpapatuloy din ng ahensya ang pakikipagtulungan sa Malasakit Centers sa mga ospital para mabigyan ng agarang tulong.
Inatasan din ni Marcos si Tulfo na magtatag ng recovery program para sa mga nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya at alagaan ang mga bata sa pamamagitan ng mas maraming welfare program na naglalayong hubugin ang kanilang mga potensyal at iba pang asset.
“Marami ho kasing problema, pati iyong mga juvenile justice,” aniya.
Bukod pa rito, nais ng DSWD na tumulong sa paglutas ng tumataas na teenage pregnancy.
Sinabi ni Tulfo na magpapatuloy siya sa pagiging broadcaster at may plano siyang humiling ng slot sa mga regular na press briefer ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) upang magkaroon ng paraan upang maipaalam sa publiko ang mga development ng DSWD.
Inihayag ni incoming PCOO chief, lawyer Trixie Cruz-Angeles, ang appointment ni Tulfo noong Lunes.
Siya ay kapatid ni Senator-elect Raffy Tulfo, na sumikat sa pamamagitan ng kanyang public service program.





