
MANILA – Mahigit isang buwan bago siya pormal na umupo bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas, inimbitahan ni Singaporean President Halimah Yacob si presumptive President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., para sa isang state visit.
Ang imbitasyon ay dumating halos isang araw pagkatapos ng mahabang pag-uusap nina Marcos at Chinese President Xi Jinping kung saan tinalakay nila ang pagpapabuti ng bilateral na ugnayan ng dalawang bansa.
Sa isang liham na ipinadala kay Marcos, binati rin ng Singaporean president si Marcos sa kanyang pagkapanalo noong May 9, 2022 elections.
“On behalf of the people of the Republic of Singapore, I warmly congratulate you on your electoral success,” isinaad ni Yacob.
Sinabi ni Yacob na inaasahan niya ang mas malapit na ugnayan sa Pilipinas.
“Singapore and the Philippines share a warm and long standing relationship, underpinned by strong economic cooperation and robust people-to-people ties,” wika ni Yacob.
“I recall fondly the warm and gracious hospitality extended to me by the Filipino people during my State Visit to the Philippines in September 2019. I look forward to working with you to strengthen the friendship between our two countries,” idinagdag niya sa kanyang sulat.
Inimbitahan din ni Yacob si Marcos na bumisita sa kanilang bansa sa sandaling maupo siya sa kanyang posisyon bilang pangulo.
“I would like to take this opportunity to invite you to make a State Visit to Singapore. I wish you every success in steering the Philippines to greater heights,” dagdag pa ng pangulo.
Si Yacob ay kasama sa dumaraming listahan ng mga pinuno ng mundo na bumati kay Marcos sa kanyang pagkapanalo sa 2022 national elections.
Inaasahang maiproklama si Marcos sa susunod na linggo matapos makakuha ng mahigit 31 milyong boto habang ang kanyang pinakamalapit na karibal na si Vice President Leni Robredo ay nakatanggap lamang ng mahigit 14 milyong boto ng 98.35 porsiyento ng election returns mula sa Comelec Transparency Media Server.





