
MANILA – Pinasalamatan ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang mga tagasuporta noong Lunes ng gabi habang siya ay nangunguna sa partial at hindi opisyal na resulta ng transparency server ng Commission on Elections (Comelec) na may halos 30 milyong boto.
Bagama’t nangunguna siya sa malaking margin laban sa kanyang pinakamalapit na karibal, si Vice President Leni Robredo, batay sa bahagyang hindi opisyal na pagbilang ng mga boto, hinimok ni Marcos ang mga Pilipino na patuloy na manatiling mapagbantay at protektahan ang kanilang mga boto.
“Ngunit kahit hindi pa tapos nga ang pagbibilang, hindi makapag-antay ang aking pasasalamat sa inyong lahat. Ang aking pasasalamat sa lahat ng tumulong, sa lahat ng sumapi sa aming ipinaglaban, sa inyong sakripisyo, sa inyong trabaho at sa binigay ninyo sa amin na oras, na kakayahan, ng sipag,” wika ni Marcos sa kanyang campaign headquarters sa Mandaluyong City.
Ayon kay Marcos, napakaraming mga boluntaryo, grupo, at pinunong pulitikal na tumulong sa kanyang kandidatura at naniwala sa kampanya ng pagkakaisa ng UniTeam alliance kasama ang kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Z. Duterte — na nangunguna rin sa botohan nang isang malaking margin.
“I want to thank you for all that you have done for us. There are thousands of you out there: volunteers, parallel groups, political leaders that have…that cast their lot with us, because of their belief in our message of unity, because of their belief in the candidate, in the Marcos-Duterte tandem,” aniya.
Noong Mayo 10, 2022, 8:26 a.m., ipinakita sa partial at hindi opisyal na mga resulta na nakatanggap si Marcos ng mahigit 30 milyong boto na may 95.97 porsiyento ng pag-uulat ng mga presinto. Nalampasan na ni Marcos ang mga panalong numero ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahigit 16 milyong boto noong 2016.
“If I’ll be elected, I hope your assistance will not fade, and also your trust. We still have much to do,” wika ni Marcos.
Noong Lunes, milyun-milyong Pilipino ang bumoto para ihalal ang mga bagong pinuno ng bansa kabilang ang presidente, bise presidente, senador at party-list groups.





