
MANILA – Ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag i-endorso ang sinumang kandidato sa pagkapangulo sa pambansang halalan ay naging bentahe ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa isang political analyst.
Naniniwala si Froilan Calilung, na nagtuturo ng political science sa University of Sto. Tomas (UST), na nakinabang si Marcos sa pananahimik ni Duterte sa kanyang gustong kandidato sa pagkapangulo dahil ito ay magpapalaya sa dating senador na maiugnay sa mga pagkukulang ng kasalukuyang administrasyon.
“Yung hindi pag endorso ni Pangulong Duterte maaring ito ay mas nakabuti pa nga kay frontrunner natin BBM dahil nga kung titignan natin, kung iendorso siya ni Pangulong Duterte he has to answer for the shortcomings and pitfalls of the Duterte administration,” aniya sa isang panayam sa PTV-4.
Ang hindi pag-endorso ni Duterte kay Marcos ay nangangahulugan din na ang huli ay hindi inaatasan na ipagpatuloy ang mga programa at patakarang sinimulan ng kasalukuyang administrasyon, sabi ni Calilung.
“He can start on a clean slate and he could actually forward his platform based on his own merits na hindi naka-angkla kay President Duterte. I think ‘yun ‘yung mas nakabuti pa sa kanya,” dagdag niya.
Sinabi ni Calilung na hindi kailangan ni Marcos ng endorsement mula sa Pangulo dahil natatamasa na niya ang komportableng pangunguna batay sa mga survey.





