Palasyo: Pagcor maghahanap ng bagong revenue sources matapos ang e-sabong ban

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Nagpahayag ang Malacañang nitong Miyerkules ng kumpiyansa na makakahanap ang Philippine Amusement Gaming Corporation (Pagcor) ng mga bagong pagkukunan ng kita matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang pagsasara ng e-sabong (online cockfighting).

“Tiwala po kami sa kakayahan ng Pagcor to generate new revenues,” wika ni acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar sa isang virtual press conference.

Inilabas ni Andanar ang pahayag matapos ang pagtataya ng Pagcor na aabot sa PHP5 bilyon ang pagkawala ng kita mula sa mga aktibidad ng e-sabong para sa 2022.

Noong Marso 2022, anim na kumpanya ang pinayagan ng Pagcor na mag-operate ng e-sabong games.

Sa prerecorded Talk to the People na ipinalabas Martes ng umaga, inihayag ni Duterte ang kanyang desisyon na sundin ang rekomendasyon ni Local Government Secretary Eduardo Año na itigil ang e-sabong operations.

Ang desisyon ay ginawa matapos magsagawa ng survey si Año tungkol sa “social impact” ng e-sabong sa mamamayang Pilipino.

Sinabi ni Andanar na ang Malacañang’s Record Office ay wala pang opisyal na dokumentong nagpapatigil sa operasyon ng e-sabong.

Sa isang ulat na isinumite kay Duterte, inirekomenda ni Año na ihinto ang operasyon ng laro sa pagtaya “hanggang sa mabuo ang isang mas mahusay na hanay ng mga balangkas at regulasyon, sa paraang hindi ito makapinsala sa sinuman sa mga stakeholder at humantong sa pagkabulok ng moral ng lipunan”.

Kasunod ng bagong direktiba ni Duterte, inutusan ni Año ang Philippine National Police at mga local government units na tiyakin ang agarang pagtigil sa mga aktibidad ng e-sabong sa buong bansa.

Ang Pagcor ay kumikita ng PHP650 milyon na kita kada buwan mula sa e-sabong.

Ayon sa datos na inilabas ng Pagcor, ang gobyerno ay nakolekta ng humigit-kumulang PHP3.69 bilyon mula sa gaming operations ng walong e-sabong lisensyado mula Abril hanggang Disyembre 2021.

Mula Enero hanggang Marso 15, 2022, nagkaroon ng koleksyon na humigit-kumulang PHP1.37 bilyon mula sa mga operasyon ng pitong lisensyado.

LATEST

LATEST

TRENDING