
MANILA – Ang Malacañang nitong Miyerkules ay nagpahayag ng pasasalamat sa mga Pilipinong patuloy na nagtitiwala kay Pangulong Rodrigo Duterte at pinahahalagahan ang kanyang pagganap sa trabaho.
Ito ay matapos matuklasan ng OCTA Research sa Tugon ng Masa survey nito, na isinagawa mula Marso 5 hanggang 10, na si Duterte ang nakakuha ng pinakamataas na performance at trust scores sa mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Lumabas sa resulta ng OCTA Research survey na nakatanggap si Duterte ng satisfaction rating na 67 porsyento at trust rating na 69 porsyento.
“Nagpapasalamat po kami sa inyong patuloy at walang sawang suporta at pagtitiwala sa ating Punong Ehekutibo, Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nakakuha ng pinakamataas na performance rating at 67 percent at pinakamataas na trust rating, 69 percent,” ani Acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar sa isang virtual presser.
Tiniyak ni Andanar sa publiko na magpapatuloy ang “Tapang at Malasakit” na tatak ng pamumuno ni Duterte hanggang sa matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.
“Makakaasa po kayo na ang tapang at malasakit ng ating Pangulo, ang kaniyang paglilingkod, ay mararamdaman hanggang sa huling sandali ng kaniyang termino,” aniya.
Ayon sa mga resulta ng poll ng OCTA Research, ang vice presidential aspirant at Senate President Vicente Sotto III ang pangalawa sa pinakapinagkakatiwalaan at pinapahalagahan na pinakamataas na opisyal ng gobyerno, na nagrerehistro ng satisfaction at trust scores na 60 percent at 68 percent, ayon sa pagkakabanggit.
Kasunod ni Sotto sina presidential candidate at Vice President Maria Leonor Robredo (40 percent satisfaction rating at 42 percent trust rating), House Speaker Lord Allan Velasco (20 percent satisfaction rating at 17 percent trust rating), at Chief Justice Alexander Gesmundo (15 percent satisfaction rating at 15 percent trust rating).
Transition plan
Ayon kay Andanar, lumikha ang Office of the President (OP) ng isang komite na mangangasiwa at magtitiyak ng maayos na paglipat ng kapangyarihan kapag bumaba sa puwesto si Duterte.
Sinabi ni Andanar na ang transition committee ay pamumunuan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
“The Office of the President created a transition committee chaired by Executive Secretary Salvador Medialdea to prepare and implement the Office of the President’s transition plan,” wika niya.
Hindi pa ibinubunyag ng OP ang mga pangalan ng mga miyembro ng komite, ani Andanar.
Sa talumpati na binigkas ni Duterte sa Cainta, Rizal nitong Martes, nagpahayag ng kahandaan si Duterte na maglingkod sa publiko kahit lampas na sa kanyang termino.
Sinabi ni Duterte, isang abogado, na itutuloy niya ang pagtulong sa mga Pilipinong hihingi ng payo sa kanya kahit na siya ay sibilyan na.





