Duterte sa NPA, drug lords: ‘Isuko ang inyong mga baril, isuko ang droga’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte nitong Miyerkules na ang mga smuggler ng droga at mga rebeldeng komunista ay dapat “isuko” ang kanilang mga droga at baril kung nais nila ang kapayapaan.

Sa isang talumpati sa Cordova, Cebu, sinabi ni Duterte na ang pagsuko ay ang tanging katanggap-tanggap na kompromiso sa kapwa mga smuggler ng droga at mga miyembro ng New People’s Army (NPA), ang armed wing ng Communist Party of the Philippines (CPP).

“Kayong mga NPA, kayong mga drugista, you want peace? Magtrabaho ka lang then drop the gun. Kayong mga drugista, drop the drugs. Itapon mo ‘yan at wala ka talagang problema sa akin,” wika niya.

Aniya, kung patuloy silang lalaban sa pag-aresto, walang magagawa ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas kundi barilin at patayin sila.

Destroy my country and our children, I will kill you. That is my mantra and that will still be my mantra in a few days when I go out of Malacañang,” dagdag niya.

Muling inamin ni Duterte na nagkamali siya sa kanyang sariling ipinataw na tatlo hanggang anim na buwang deadline para wakasan ang problema sa droga sa bansa.

Paliwanag niya, matapos niyang italaga si Senador Ronald de la Rosa, bilang hepe ng pulisya ay saka niya lang natuklasan na may ilang pulis at opisyal na sangkot sa pagbebenta ng droga.

Gayunpaman, nilinaw niya na hindi niya inutusan ang mga alagad ng batas na patayin ang mga suspek na nakataas ang kanilang mga kamay o nakaluhod.

“Wala akong inutusan na patayin mo naka hands up, nakaupo in surrender. That’s not the work of the police,” dagdag niya.

Aniya, hangga’t ang mga smuggler ng droga ay “behave” at “susunod sa mga patakaran”, walang magiging problema.

Samantala, inulit ni Duterte ang kanyang panawagan sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang mga pagpatay sa mga pulis na sangkot sa pagsasagawa ng mga lehitimong anti-drug operations.

Pag-aralan ninyo mabuti. Tanungin mo sino yung namatay at bakit patay ‘yan,” aniya.

Sa kasalukuyan, ang pamahalaan ay nagpapatupad ng community-based drug rehabilitation program sa lokal na antas para sa mga drug surrenderer na nangangailangan ng paggamot at rehabilitasyon.

Ipinatutupad din nito ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para sa mga rebeldeng NPA na susuko sa mga awtoridad.

Sa mga nakaraang talumpati, nagpahayag si Duterte ng pag-asa na ang susunod na administrasyon ay itutuloy ang pagsugpo ng gobyerno sa droga, krimen, at terorismo.

Ang CPP-NPA ay nakalista bilang isang teroristang organisasyon ng Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas.

Pormal ding itinalaga ng Anti-Terrorism Council ang NDF bilang isang teroristang organisasyon noong Hunyo 23, 2021, na binanggit ito bilang “isang integral at hiwalay na bahagi” ng CPP-NPA na nilikha noong Abril 1973.

LATEST

LATEST

TRENDING