
MANILA – Mahigit PHP1 bilyon ang bahagyang halaga ng pinsala sa pampublikong imprastraktura sa tatlong rehiyon dulot ng Tropical Depression Agaton, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Miyerkules.
Sa pagbanggit sa pinakahuling ulat mula sa DPWH Bureau of Maintenance, sinabi ni DPWH Secretary Roger Mercado na nasa PHP1.45 bilyon ang tinatayang pinsala sa national road at tulay sa mga Region 8 (Eastern Visayas), 12 (Soccksargen), at 13 (Caraga).
Aniya, ang pinsala sa imprastraktura ay tinatayang nasa PHP1.30 bilyon — PHP1.27 bilyon sa mga kalsada, at PHP30 milyon sa mga tulay.
Ayon sa DPWH, PHP6.06 milyon ang pinsala sa mga national roads sa Region 12, habang ang Region 13 ay nagkaroon ng PHP118.4 milyon na pinsala sa national roads at PHP27 milyon sa mga tulay.
Sa kabilang banda, sinabi ng DPWH na 47 sa 50 apektadong kalsada sa mga rehiyon ng Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas ang nalinis at muling binuksan.
Inaayos pa rin ng DPWH Quick Response Teams ang tatlong natitirang saradong national road section sa Leyte at Southern Leyte, dagdag pa nito.
Sa Southern Leyte, ang Maasin City – Buenavista Bontoc – Bdry. Hilongos Road (Maasin – Bontoc) sa Barangay Lunas ay sarado pa rin dahil sa road cut; ang San Miguel – Conception – Daang Maharlika Road., K1210+415 – K1211+348 ay sarado rin dahil sa hollow abutment; habang ang Bil-atan, San Ricardo – San Roque, Liloan Road sa Barangay San Roque at Barangay Malangsa, Liloa-an at sa Barangay San Ramon, San Ricardo, Southern Leyte dahil sa landslide at rockslide.
Naglagay ng mga warning signs sa mga lugar na ito habang ang DPWH ay nagsasagawa ng tuluy-tuloy na clearing operations.





