
MANILA – Binati ng Malacañang nitong Martes ang pinakabagong batch ng mga abogado sa bansa.
Sa isang virtual presser, ikinatuwa ni acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar ang mataas na bilang ng mga law graduate na nakapasa sa 2020-2021 Bar examinations.
“Nais kong batiin ang lahat ng pumasa sa Bar examinations. Mas dumami po ang ating mga abogado. Mas maganda po ito para sa ating mga kababayan. Mabuhay po kayo mga bagong passer ng Bar examinations. Congratulations po,” wika ni Andanar.
May kabuuang 8,241 examinees ang pumasa sa 2020-2021 Bar examinations, inihayag ng Korte Suprema.
Katumbas ito ng 72.28 porsiyento ng 11,402 law graduates na kumuha ng Bar exams noong Pebrero 4 at 6.
Tanging 14 na matagumpay na mga Bar taker ang nakakuha ng pagkilala bilang “excellent” performance, na nakakuha ng mga marka na mas mataas sa 90 porsiyento.
Humigit-kumulang 751 Bar passers din ang kinilala para sa kanilang “exemplary” performance para sa pagkamit ng gradong 85 porsyento hanggang 90 porsyento.
Naantala ang Bar examinations dahil sa coronavirus disease 2019 pandemic at nagtulak sa SC upang paikliin ang panahon ng pagsusuri sa dalawang araw sa halip na sa tradisyonal na apat na araw.
Mayroong 11,790 law graduates na unang nag-apply para kumuha ng 2020-2021 Bar examinations, ngunit 11,402 mga aplikante lamang ang nakapag-take ng two-day test.
Nakatakda ang oath-taking ng pinakabagong batch ng mga abogado sa Mayo 2 sa SM Mall of Asia Arena.





