
MANILA – Halos 24,000 rebeldeng komunista na sumuko sa gobyerno ay napakalaking patunay ng tagumpay ng “whole-of-nation approach” na ipinatupad sa ilalim ng Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC), na nagbibigay daan para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan.
Ito ang inilabas na pahayag ng NTF-ELCAC sa pamamagitan ng Spokesperson for Sectoral Concerns at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy sa kanilang lingguhang virtual press conference, bilang tugon sa walang basehang mga pahayag ng nakakulong at reelectionist na si Senador Leila de Lima tungkol sa umano’y kabiguan ng task force.
“She must have been talking about herself as she is in a desperate situation. She’s (in jail) for being corrupt. Very unfit for national office,” sinabi ni Badoy, na tinutukoy si de Lima na nagsilbing Justice Secretary noong administrasyong Aquino at nakakulong sa Camp Crame mula noong 2017 dahil sa illegal drug trading.
Bilang suporta sa pahayag ni Badoy, iniulat ni Navy Capt. Ferdinand Buscato, Executive Director ng Task Force Balik Loob, na sa 23,641 dating miyembro ng iba’t ibang communist terrorist groups (CTGs) na sumuko sa mga awtoridad ng gobyerno, 2,052 ang itinuturing na “violent extremists”.
Ayon kay Buscato, karamihan sa mga dating rebeldeng komunista na sumuko ay tinatamasa na ngayon ang mga benepisyo ng kanilang pagbabalik sa kawan ng batas, na muling naisama sa lipunan sa tulong ng NTF-ELCAC, kabilang ang kabuhayan para sa kanilang mga pamilya.
“We are also hoping that the next administration will continue these programs,” wika ni Buscato.
Sa kabilang banda, sinabi ni Director Monico Batle, NTF-ELCAC Action Officer for Barangay Development Program (BDP), na ang unang batch ng 822 barangay na dating pinagsamantalahan ng New People’s Army (NPA), ang armadong grupo ng Communist Party of the Philippines (CPP), ay namumuhay nang matiwasay salamat sa iba’t ibang mga proyektong pangkaunlaran na napondo na sa pamamagitan ng BDP.
Aniya, ang ikalawang batch ng 1,406 barangay na naalis sa CTGs ay inaasahang tatanggap din ng PHP20 milyong halaga ng mga proyekto tulad ng unang batch sa kabila ng unilateral na desisyon ng Senado na bawasan ang BDP.
“The Department of Agriculture has agreed to shoulder PHP12 million intended for farm to market roads which is very important for this barangay even if it is only good for 1 kilometer while other projects will be shouldered directly by the local government units,” sinabi ni Batle, dahil ang Senado noong nakaraang taon ay nagbigay lamang ng PHP4 milyon sa halip na PHP20 milyon para sa bawat barangay.
“The third batch (of barangays) will also include those formerly called red areas even before the term of President Duterte began, covering the period from 2011 to 2015,” wika ni Batle, idinagdag na ang kabuuang 1,550 barangay para sa ikatlong batch ay kasama na sa BDP.
Dagdag pa niya, ang sinumang mamumuno sa bansa bilang susunod na pangulo ay legal na ipinagbabawal na makialam sa mga proyektong ito dahil ginawa na itong batas at kasama sa General Appropriations Act.
“Kaya dapat matuto tayong bumoto at pumili lalo na ng mga senador,” wika ni Batle habang hinihikayat niya ang kanyang mga kababayan na tulungan ang NTF-ELCAC na ipagpatuloy ang mga programang nakalaan upang wakasan ang mahigit limang dekada nang pag-aalsa ng mga komunista.





