
MANILA – Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong Huwebes na gustong makipag-usap sa kanya ni Chinese President Xi Jinping.
Sa isang talumpati sa Lapu-Lapu City, sinabi ni Duterte na nakatakda siyang makipag-usap kay Xi ngayong Abril 8. Hindi niya binanggit kung sa telepono o face-to-face meeting ang kanilang pag-uusap.
“I’m scheduled to…April 8. Gusto ako kausapin ni Xi Jinping. Magkaigan man kami,” aniya.
Hindi na rin siya nagbigay ng karagdagang detalye kung ano ang pag-uusapan sa pagitan nila.
Sa ilang mga talumpati, nagpahayag si Duterte ng pagpayag na bumisita sa China para personal na pasalamatan si Xi para sa mga naibigay na bakunang Covid-19 ng China.
Nauna niyang inilarawan ang donasyon ng bakuna ng China bilang isang “tanda ng pagkakaibigan at pagkakaisa”, na para sa kanya ay tanda ng Philippine-China partnership.
Ang huling biyahe ni Duterte sa China ay noong Agosto 2019. Doon niya itinaas ang 2016 arbitral victory ng Pilipinas laban sa malawakang maritime claim ng China sa South China Sea (SCS).
Paulit-ulit na tumanggi ang China na kilalanin ang makasaysayang tagumpay ng Pilipinas sa The Hague.
Samantala, inulit ni Duterte ang kanyang babala na kung magpasya ang Russia na gumamit ng mga sandatang nuklear sa panahon ng pagsalakay nito sa Ukraine, ang China ay hindi mananatiling walang ginagawa.
“I also realize na kung magkagiyera talaga, it will spill over. Pag ang Russia ang unang magtira then there’s gonna be a serious problem. Ang China will not just sit idly there. Babanat din siya, kukunin niya ang Taiwan,” wika niya.
Ang pangyayaring ito, aniya, ay maaaring magdulot ng kaguluhan sa Pilipinas.
“Ang problema ang Pilipinas tatamaan din tayo if there’s a full-scale war kasi mayroong mga Amerikano dito,” dagdag niya.
Sinabi ni Duterte na hindi magpapakalat ang Pilipinas ng mga tropa para tumulong kung makikialam ang US sa hidwaan ng Russia-Ukraine.
“I will never, never commit the Armed Forces ko, sundalo ko, to go to war. We are not even connected, however big or small,” aniya.
Nauna rito, sinabi ng Malacañang na maaaring mamagitan si Duterte sa hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, sakaling manawagan ang mga world leader.
Sa kabila nito, paulit-ulit na sinabi ni Duterte na mananatiling neutral ang Pilipinas sa gitna ng krisis.





