115K benepisyaryo ang nakatanggap ng fuel subsidy mula sa LTFRB

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Nasa 115,000 driver ng public utility vehicles (PUV) ang nakatanggap ng kanilang one-time PHP6,500 fuel subsidy mula sa gobyerno, sinabi ng opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkules.

Sa isang briefing ng Laging Handa, sinabi ni Zona Russet Tamayo, regional director ng LTFRB – National Capital Region (NCR), na ang mga pondo ay ipinamahagi sa pamamagitan ng cash card na ibinigay ng Landbank of the Philippines (LBP).

“Patuloy na ho na nag-i-imprint ang LBP ng mga bagong ‘Pantawid Pasada’ cards para ho maipamahagi na rin natin ang mga ito sa ating additional beneficiaries ngayong taon,” wika ni Tamayo.

Kabilang sa mga karagdagang benepisyaryo ang mga driver at operator ng isang transport network vehicle service (TNVS), UV Express, at mga tricycle.

Sisimulan ng LTFRB ang pamamahagi ng cash card sa mga driver at operator ng TNVS at UV Express units simula sa susunod na linggo, ani Tamayo.

Para sa mga tricycle driver at operator, aniya, makikipag-ugnayan ang LTFRB sa Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil nasa mandato ng local government units (LGU) ang mga tricycle.

“Patuloy ang ating pakikipag-usap sa DILG para ho mahingi na sa kanila iyong listahan po ng mga beneficiaries po nating mga tricycle driver,” wika ni Tamayo.

Ang pinakahuling fuel subsidy ng gobyerno ay nagsimulang ipamahagi noong Marso 15 sa pamamagitan ng umiiral na LBP cash card na inisyu sa pamamagitan ng mga nakaraang programa ng subsidy ng gobyerno.

Bukod sa fuel subsidy, tinitingnan ng LTFRB at ng Department of Transportation ang muling paglulunsad ng Service Contracting Program na magbibigay ng cash incentives sa mga driver at operator ng PUV at libreng sakay sa mga commuter.

LATEST

LATEST

TRENDING