
MANILA – Inihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang MRT-3 ay magbibigay ng libreng sakay sa loob ng isang buwan, simula Marso 28 hanggang Abril 30, 2022, kasunod ng matagumpay na pagkumpleto ng malakihan at komprehensibong rehabilitasyon na proyekto ng sistema ng tren.
“I’d like to announce that Secretary Tugade decided that the MRT-3 rides will be free (hindi naman forever) from March 28 to April 30, 2022,” wika ni Duterte.
Ginawa ni Duterte ang anunsyo sa kanyang pagdalo sa seremonya ng pagtatapos ng MRT-3 rehabilitation project noong Martes, kasama si Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade.
Sinabi ni Tugade na ang mga pasahero ng tren ay maaaring sumakay sa MRT-3 nang walang bayad sa lahat ng istasyon nito sa mga nasabing petsa.
Binigyang-diin din niya na malaki ang maitutulong nito sa pagpapagaan ng pinansiyal na pasanin ng publiko, lalo na sa gitna ng inflation, pagtaas ng presyo ng petrolyo, at sa maraming manggagawang Pilipino na ngayon ay bumalik sa on-site na trabaho.
Ang libreng sakay na inisyatiba ay inaasahan din na makadagdag sa mga pinabuting serbisyo ng rail lines matapos ang DOTr Railway sector, ang MRT-3 management, at ang maintenance provider nito, ang Sumitomo-MHI-TESP ay nakumpleto ang mga rehabilitasyon noong Disyembre 2021, dalawang buwan bago ang iskedyul mula sa dating 25 kph.
Kasunod ng rehabilitasyon nito, umaandar na ang MRT-3 sa bilis na aabot sa 60 kilometro kada oras mula sa dating 25 kph.
Ang bilang ng mga tren ay tumaas din mula sa kasing-kaunti ng 13, ngayon ay umabot na sa 23 na mga operational na tren.
Samantala, ang headway o ang oras ng paghihintay sa pagitan ng mga tren ay nabawasan mula sa humigit-kumulang 10 minuto na ngayon ay nasa 3.5 minuto na lamang.
“Gumanda at nagbago ang ridership natin, bago mag pandemya — 260,000. Ngayon, as I speak, bagamat may pandemya, ‘yung ridership natin ay umaabot sa 280,000. At hangarin namin yung ridership kapag nailagay lahat ‘yan [23 trains] ay magiging 600,000 per day. Ito ang legasiyang iiwanan ng Duterte administration sa MRT-3,” wika ni Tugade.
Sa ilalim ng MRT-3 rehabilitation project, lahat ng 72 Light Rail Vehicles (LRVs) nito ay naibalik, pinalitan at na-rehabilitate ang mga riles.
Na-upgrade din ang linya ng supply ng kuryente, overhead catenary system, communications and signaling system, mga istasyon, gayundin ang mga pasilidad at kagamitan ng depot.





