
MANILA – Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang kanyang kahalili ay dapat na “compassionate at decisive”.
“First, the president should be a compassionate one, ‘yung para sa tao talaga,” aniya sa isang prerecorded exclusive interview kay Pastor Apollo Quiboloy na ipinalabas noong Sabado sa SMNI. “Second, you must be decisive.”
Bukod sa dalawang katangiang binanggit ni Duterte, sinabi niya na ang susunod na pangulo ay dapat na isang “mayor” at isang abogadong tulad niya.
Idinagdag niya na ang kanyang kahalili ay dapat na may sapat na kakayahan upang matugunan ang ilang mga isyu na kinakaharap ng bansa, kabilang ang mga hindi pagkakaunawaan ng Pilipinas sa South China Sea (SCS) sa China.
“You should be prepared to tackle each and every problem,” Duterte said. “Isang tingin mo lang maka-decide ka na kaagad, and the repercussions, alam mo na kung ano.”
Ang 10 kandidatong naghahangad ng pinakamataas na posisyon sa bansa ay sina Vice President Leni Robredo, Senators Panfilo Lacson at Manny Pacquiao, dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, dating presidential spokesperson Ernesto Abella, dating national security adviser Norberto Gonzales, labor leader Leody de Guzman, Lanao del Sur businessman Faisal Mangondato, at Dr. Jose Montemayor Jr.
Sa 10 presidential bets, si Moreno ay kasalukuyang nagsisilbing Manila City mayor, habang sina Robredo at Montemayor ay parehong abogado.
Nauna nang sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, acting presidential spokesperson, na maaaring suportahan o i-endorso ni Duterte ang isang presidential aspirant na ang pangalan ay naglalaman ng letrang “O”.
Kalaunan ay nilinaw ni Andanar na ang kanyang kamakailang pahayag ay base lamang sa kanyang instincts.
Si Duterte, na naunang sumuporta sa presidential bid ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na kalaunan ay umatras, ay hindi pa nag-eendorso ng sinumang kandidato sa pagkapangulo.
Tinanong kung inaasahan niyang magiging malinis at tapat ang pambansa at lokal na halalan sa Mayo 9, 2022, sinabi ni Duterte: “Hindi ko magagarantiya na magiging mapayapa ito.“
Gayunpaman, nanindigan siya na hindi niya papayagan ang anumang karahasan na may kaugnayan sa halalan.





