
MANILA – Iginiit ng Malacañang nitong Martes na walang ineendorsong kandidato sa pagkapangulo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ipinahayag ito ni acting presidential spokesperson Martin Andanar matapos sabihin ni Duterte, sa isang kaganapan kamakailan sa Narvacan, Ilocos Sur, sa mga Ilokano na piliin ang pinunong Ilokano na kanilang pinapaboran.
Sa pagbanggit kay Duterte, sinabi ni Andanar na hindi susuportahan ng Pangulo ang sinumang kandidato sa pagkapangulo ngunit maaaring magbago ang kanyang isip kung may “mabigat na dahilan” para gawin ito.
“The President has repeatedly said that he does not support any presidential candidate unless there is a compelling reason at kung maalala niyo po dun sa interview na ginawa natin with the President, he clearly said he may or may not,” aniya sa isang Palace press briefing.
Sinabi ni Andanar, na siya ring Kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na mas mabuting hintayin ang desisyon ng Pangulo kung mag-eendorso siya o hindi ng sinumang kandidato sa pagkapangulo.
“Antayin nalang natin ang magiging desisyon ng ating mahal na Pangulo. Kung ano ang sinabi ni Presidente sa Ilocos, you know the President, he likes to play with words, he loves to horse around,” dagdag niya.
Sa pagpapasinaya ng isang farmers’ market sa Narvacan, Ilocos Sur noong Biyernes, sinabihan ni Duterte ang mga Ilokano na piliin ang pinunong Ilokano na kanilang pinapaboran.
“Kaya ibigay ko na lang ito isang buwan aalis na ako sa Malacañang, mamili na kayo kung sinong Ilocano na lider ilagay ninyo doon,” wika ni Duterte.
Nang hindi binanggit ang presidential aspirant na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, na nag-iisang kandidatong Ilokano na tumatakbo bilang Pangulo, sinabi ni Duterte na maraming Ilokano ang miyembro ng kanyang Gabinete, kung saan ilan sa kanila ang naghahanap ng puwang sa Senado.
Kahit na ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na kasal sa isang Ilokano mula sa Paoay, Ilocos Norte, ang running mate ni Marcos, ang Pangulo ay nanindigan sa kanyang desisyon na “manatiling neutral”.





