
MANILA – Sinusuri pa rin ng Malacañang ang mga panawagan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magdeklara ng state of economic emergency sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng tunggalian ng Russia-Ukraine.
Ito, matapos himukin ni Albay Rep. Joey Salceda si Duterte na magdeklara ng state of economic emergency, dahil ito ay magbibigay-daan sa mga local government units (LGUs) na gamitin ang kanilang calamity funds upang matugunan ang mga pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar, iprinisinta ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua ng 14 na mungkahi para sugpuin ang epekto ng hidwaan sa Russia-Ukraine sa Talk to the People ni Duterte noong Lunes ng gabi.
Sinuportahan ni Duterte ang mga rekomendasyon ni Chua at inimbitahan ang mga mambabatas na makipag-usap sa kanyang economic team.
“Ito ay masusing pag-aaralan ng Palasyo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary at nagpresenta nga kagabi ang economic team ni Pangulo ng proposed government interventions kaya tingnan natin kung ang mga ito ay sapat na,” wika ni Andanar.
Sa isang hiwalay na press briefing, sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na ang pagdedeklara ng state of economic emergency ay “hindi kailangan sa puntong ito”.
Tiniyak niya na ginagawa ng gobyerno ang “lahat” upang matugunan ang pagtaas ng presyo ng langis.
“It’s a total effort of everybody to face the problem. Hopefully, this problem will not last long,” aniya.
Joint ventures
Samantala, nagpahayag si Andanar ng pag-asa para sa posibleng joint ventures sa pagitan ng Pilipinas at China sa paggalugad ng mga mapagkukunan ng enerhiya sa West Philippine Sea (WPS) sa hinaharap, na nagsabing ito ay malaking pakinabang sa ekonomiya ng bansa.
“Lahat ng alternative sources of energy be that from solar, from gas, from under the sea ay makakatulong po sa ating mga Pilipino. You know, energy is a problem that is not exclusive to the Philippines. Ang buong mundo ay kailangan ng sapat na enerhiya,” aniya.
Sa kanyang Talk to the People, binigyang-diin ni Duterte ang pangangailangan ng susunod na administrasyon na tuparin ang mga kasunduan ng Pilipinas sa panukalang joint oil exploration kasama ang China sa pinag-aagawang dagat.
“Sundin lang ninyo kung ano yung pinag-usapan noon. It’s a matter of honor…Consensual talks tapos may written agreement. Pag iniba ‘yan delikado,” wika ni Duterte.





