
MANILA – Upang maiwasan ang posibleng hidwaan sa China, hinikayat ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Lunes ang susunod na administrasyon na sumunod sa naging kasunduan ng Pilipinas sa iminungkahing joint oil exploration kasama ang China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pagbanggit sa pagsalakay ng Russia sa Ukraine at sa pag-aangkin ng China sa Taiwan, sinabi ni Duterte na mayroon nang “napakaraming flashpoint” sa buong mundo na ayaw niyang masangkot ang Pilipinas sa anumang hidwaan.
“‘Yan ang iniiwasan ko noon pa e. Tapos magkagiyera tuloy tayo dito, nandoon sa Ukraine, nandiyan yung Taiwan gusto agawin ulit ng China tapos dito. So many flashpoints…maraming lugar na may putok. We do not need it. Di natin kailangan makipag-away diyan,” aniya sa isang prerecorded Talk to the People.
Sinabi ni Duterte na ang kabiguang sumunod sa mga napag-usapan sa “jointly explore energy resources” sa pinag-aagawang dagat ay magdudulot ng kaguluhan sa bansa.
“Sundin lang ninyo kung ano yung pinag-usapan noon. It’s a matter of honor…Consensual talks tapos may written agreement. Pag iniba ‘yan delikado,” dagdag niya.
Sinabi niya na habang ang Pilipinas at China ay maaaring hindi makamit ang isang mapayapang resolusyon sa kanilang alitan sa dagat sa panahon ng kanyang administrasyon, ang mahalaga ngayon ay manatiling kalmado sa harap ng krisis.
“Just to remind everybody to stay cool. Chill ka lang. It’s not in our generation na maso-solve natin itong problema sa China. I don’t know what the future holds but as of this time, relax lang tayo. That’s my advice para sa lahat. Ika nga, do not tempt the gods and look for trouble that we cannot maybe handle. Mahirapan tayo,” aniya.
Kasalukuyang walang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China sa joint exploration activities para sa langis at gas sa WPS.
Noong Nobyembre 2018, nilagdaan ng dalawang bansa ang isang memorandum of understanding (MOU) sa joint oil at gas development sa WPS.
Ang mga opisyal ng Pilipinas at Tsino ay nasa proseso pa rin ng pagbubuod ng mga posibleng detalye ng anumang joint exploration venture.





