
MANILA – Hindi na kailangan ang mga Coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccination card sa pagpasok sa mga mall sa Alert Level 1 areas, inihayag ng opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, ang vaccination card ay kailangan lamang sa mga establisyimento na itinuturing na 3Cs (closed, crowded, close-contact) areas.
“Technically, you don’t need to present the vaccination card when you enter a mall. You are only required to present it when inside the mall, (when) you are going to a restaurant, spa, movie house, or a similar establishment classified as 3C (closed, crowded, close-contact venues),” sinabi ni Malaya sa isang panayam sa telebisyon.
Gayunman, kinilala ni Malaya na ang ilang mga mall sa Alert Level 1 na lugar ay nangangailangan pa rin ng mga tao na ipakita ang kanilang mga vaccination card bago sila payagang makapasok.
“It’s something that they want to do and I don’t see anything wrong about that,” wika niya.
Tiniyak ni Malaya na tatalakayin ng DILG ang usapin sa local government units (LGUs).
“Hopefully, we can meet with them very soon to clarify that the requirement for the presentation of a vaccination card is at the 3C establishments and not necessarily at the mall where that establishment is located,” aniya.
Isinailalim ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang National Capital Region at 38 iba pang lugar sa Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang 15.
Sa ilalim ng Alert Level 1, sinabi ng IATF na walang mga paghihigpit sa mga tuntunin ng indoor at outdoor capacities. Ang bawat tao’y maaaring magsagawa ng intrazonal at interzonal na paglalakbay nang hindi isinasaalang-alang ang edad at maging ang mga kasama.
Ang lahat ng mga establisyimento, tao, o aktibidad ay pinapayagan din na mag-operate, magtrabaho, o isagawa ang kabuuang on-site o venue seating capacity, basta ang mga ito ay naaayon sa pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko.
Samantala, ang mga harapang klase para sa primaryang edukasyon ay sasailalim sa paunang pag-apruba ng Opisina ng Pangulo.





