
MANILA – Pinuri ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Lunes ang magkasanib na pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno, local government units, at pribadong sektor na gawing “non-traumatic” ang pagbabakuna para sa mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Sa kanyang prerecorded Talk to the People, pinasalamatan din ni Duterte ang mga medikal na propesyonal at iba pang healthcare workers na nagboluntaryo sa pagpapalakas ng programa ng pagbabakuna sa bansa, maging sa malalayong komunidad.
“I send my gratitude for making it possible. Each and every one of you, maraming salamat sa inyo at minsan natuturuan ninyo ang gobyerno ninyo,” aniya.
Sinabi ni Duterte na ang lahat ng mga bakunang Covid-19 na ginagamit sa Pilipinas ay sumailalim sa masusing pag-aaral upang matiyak ang kalidad, kaligtasan, at bisa.
Hinikayat din niya ang mga eligible na ganap na bakunadong mga Pilipino na kumuha ng karagdagang proteksyon laban sa Covid-19 at mga variant nito, sa pamamagitan ng pag-avail ng mga booster shot.
Sa ngayon, nasa kabuuang 62,505,204 na Pilipino ang ganap na nabakunahan, na kumakatawan sa 69 porsiyento ng target ng gobyerno na 90 milyong Pilipino hanggang Hunyo ng taong ito.
PH nananatiling low-risk
Sa kanyang ulat sa Pangulo, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nalampasan na ng Pilipinas ang “umbok” ng Omicron variant ng Covid-19.
Sinabi niya na ang bansa ay nasa low-risk case classification na ngayon, maliban sa Cordillera Administrative Region na nananatiling nasa “moderate risk case” status.
Sinabi ni Duque maliban sa Davao Region, ang healthcare utilization rate ng mga rehiyon ay nasa ‘low risk’ din.
Noong Lunes, nag-ulat ang Department of Health (DOH) ng 1,427 bagong kaso ng Covid-19, ang pinakamababang impeksyon sa isang araw ngayong taon.
Ang pinakahuling Covid-19 bulletin ay nagpahiwatig ng 58,657 active cases habang ang kabuuang paggaling ay tumaas sa 3,539,106 matapos maitala ang 3,269 na mga bagong kaso ng mga gumaling.
Hinikayat din ni Duque ang lahat ng mga eligible na indibidwal na magpa-booster shot “upang makakuha ng karagdagang proteksyon at maiwasan ang malubhang sakit at pagka-ospital.”





