
MANILA – Iniulat ng Department of Health (DOH) na halos 3.5 milyong tao ang nabakunahan sa ikatlong yugto ng national vaccination drive ng Pilipinas na “Bayanihan, Bakunahan” mula Pebrero 10 hanggang 18.
Habang kulang ang bilang sa limang milyong target na mabakunahan ng DOH, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang resulta ng drive ay tagumpay pa rin sa pagsisikap na labanan ang coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.
“Itutuloy-tuloy lang natin ang pag-ramp up ng vaccination so that we can be able to cover as much of the population as possible,” wika niya sa Laging Handa briefing.
Isinaad ni Vergeire na ang susunod na posibleng istratehiya na maaaring gawin ng gobyerno ay ilapit ang pagbabakuna sa mga komunidad, kabilang ang pagpapalakas ng house-to-house initiative nito.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 medical consultant, Dr. Ma. Paz Corrales, hindi naabot ang target dahil sa ilang hamon, tulad ng pag-aalangan sa bakuna at post-calamity effects.
“There were a lot of factors that is why we were not able to reach the target. One is the occurrence of Typhoon Odette and its affected areas. Then most of our health workers were afflicted with Covid-19 and there’s a little percentage of vaccine hesitancy,” aniya sa isang panayam noong Biyernes ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa Pasay City sa pagdating ng 1,138,430 doses ng Pfizer vaccine, na donasyon ng gobyerno ng Australia.
Ang Pilipinas ay nakapagbakuna na ng 62.3 milyon mula nang magsimula ang inoculation program laban sa Covid-19 noong Marso 2021.
Humigit-kumulang 9.6 milyong indibidwal ang nakatanggap ng kanilang mga booster shot, habang higit sa 395,000 mga bata na may edad 5 hanggang 11 taong gulang ang nakatanggap ng kanilang unang dosis.
Umaasa si Corrales na mas maraming bata ang makakatanggap ng mga bakuna dahil mahalaga ito sa pagbubukas ng ekonomiya at pagpapatuloy ng face-to-face classes.
Sa ngayon ay nakatanggap na ang Pilipinas ng 224,823,360 dosis ng Covid-19 jabs mula noong unang paghahatid noong Pebrero 28, 2021 ng 600,000 Sinovac doses na naibigay ng China.





