DICT: Covid-19 VaxCertPH, lalagyan ng bagong security feature

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Inihayag ng Department of Information and Technology (DICT) na isang karagdagang security feature ang isasama sa digital Covid-19 vaccine certificate (VaxCertPH) ng bansa.

Sinabi ni DICT acting Secretary Emmanuel Rey Caintic na kailangan ang pag-update ng mga security features dahil mas maraming bansa ang tumatanggap na ng VaxCertPH.

“Kailangan lang dagdagan  [features] in accordance with the standards,” wika ni Caintic.

Aniya, ang pinakamahalagang update ay ang pagsasama ng impormasyon ng booster shots sa certificate.

“Kapag kumuha kayo ng mga VaxCert, makikita niyo na rin ang pangatlong jab ninyo sa vaccine certificate,” isinaad niya.

Nauna nang hinimok ng Department of Health (DOH) ang lahat ng mga indibidwal na may mga vaccine certificates na humiling ng mga updated na maaaring ma-access sa pamamagitan ng www.vaxcert.doh.gov.ph.

“Hinihingi pa rin iyong datos ng pangalan ninyo at saka iyong mga petsa noong inyong pagbakuna at lalabas na rin iyong pangatlong booster shot,” wika ni Caintic.

Ang mga indibidwal, aniya, ay maaari ring makipag-ugnayan sa kani-kanilang local government units (LGUs) kung nais nilang itama ang kanilang impormasyon sa VaxCertPH.

“Ang maganda din diyan, kung halimbawa may problema sa inyong datos, agad-agad na rin nilang maiwawasto,” dagdag niya.

Ang gobyerno ay nag-isyu ng VaxCertPH sa ganap na bakunado na mga Pilipino.

Maaaring gamitin ang digital vaccine certificate para sa domestic at international na paglalakbay, kasama ang mga alituntunin ng World Health Organization (WHO) sa digital documentation ng Covid-19 certificates.

Ayon kay Caintic, ang mga transaksyon para sa pag-request ng updated VaxCertPH ay hindi magtatagal.

In a couple of minutes or less than a minute or a minute pa nga, kaya nilang i-click iyong generate VaxCert at lalabas naman din iyong panibago nilang VaxCert. Madali lang makakuha ulit iyon, lalabas lang iyong bago nilang QR code,” aniya.

Sa ngayon, may humigit-kumulang 41 na bansa ang tumatanggap ng VaxCertPH. Ito ay ang Armenia, Australia, Austria, Bahrain, Belgium, Canada, Colombia, Czech Republic, France, Georgia, Georgia, Hong Kong, India, Iraq, Italy, Japan, Kazakhstan, Kuwait, Oman, Qatar, Samoa, Slovenia, Sri Lanka , Switzerland, Thailand, The Netherlands, Tunisia, Turkey, UAE, UK, USA, Vietnam, Brazil, Israel, Timor Leste, Republic of Korea, Malaysia, at Republic of Ireland.

Dagdag pa ni Caintic, tumatanggap din ng VaxCertPH ang ilang establisyimento sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING